Baby boy para kay Anne, Coco lalagay sa tahimik: Feng Shui master

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 09:33 AM | Updated as of Jan 01 2018 11:11 AM

Maaaring magbuntis ang bagong kasal na si Anne Curtis samantalang pwedeng lumagay na sa tahimik si Coco Martin ngayong 2018, na Year of the Dog, ayon sa isang eksperto sa Feng Shui.

Lalaki ang maaaring maging panganay ni Anne, na ipinanganak sa Year of the Wooden Ox at ng kanyang asawa na si Erwan Heussaff, ani Feng Shui master na si Hanz Cua.

"Career niya ay stable. Merong baby boy akong nakita for 2018," sabi ni Cua.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Samantala, ang "Ang Probinsyano" star na si Coco Martin at iba pang pinanganak sa taon ng Metal Rooster ay maaaring lumagay na sa tahimik ngayong 2018.

"Very strong 'yung opportunity niya ngayong taon. May bago siyang chapter sa kanyang chart. Ibig sabihin something new. Puwedeng magpakasal na o magsisimula na ng pamilya," sabi ni Cua.

Payo naman kay Vice Ganda at iba pang ipinanganak sa Year of the Fire Dragon ay huwag maging agresibo ngayong taon.

"Ang Fire Dragon ay may conflict for the year, not the year para mag-invest o gumawa ng mga major decisions," ani Cua.

Makakaasa naman si Gretchen Ho at iba pang pinanganak sa year of the Horse ng makulay na love life ngayong taon.

"Maganda ang career, tumatakbo naman paakyat. Very strong ang love life dahil nakaupo sa love star (ang mga year of the Horse)," ani Cua.

Magiging masuwerte rin ang mga tao na magbubukas ng negosyo na kaugnay sa construction at pagkain.

"Isa sa mga magagandang business sa 2018 ay construction. Maraming papasok na mga foreigners sa bansa upang magtayo ng mga bagong negosyo," sabi ni Cua.

Si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang pinanganak sa year of the Wooden Rooster ay dapat mag-ingat sa kanilang kalusugan ngayong 2018, ayon sa isang astrologer.

Bagamat hindi mapalad sa kalusugan ngayong taon, magkakaroon naman ng maraming "resource element" o mga tagapayo ang Pangulo.

"Ang mga year of the rooster sa 2018 ay may illness o sickness star na kailangan nilang bantayan," ani ng feng shui master na si Hanz Cua.

May isang dayuhang lider ang mas makikipagkaibigan kay Duterte ngayon taon, ani Cua.

Si Vice President Leni Robredo na pinanganak sa year of the Wooden Dragon ay dapat mag-ingat laban sa mga "backstabbers" at sa "political problem."

"Kailangan niya ng suporta ng mga wooden rooster tulad ni President Duterte," dagdag niya.

Papatok daw ang mga negosyo sa transportasyon tulad ng ride-sharing at deliveries kahit na inaasahang mas bibigat ang daloy ng trapiko dahil sa sunod-sunod na proyekto ng gobyerno.

"Ang buwan ng Marso hanggang June ay magagandang buwan para magbukas ng negosyo," sabi ni Cua.

Ngunit paalala ni Cua, ang kanyang mga payo sa feng shui ay "patnubay lamang dahil sa atin pa rin nakasalalay ang ating tagumpay."