Saklolo: Gapos

By Nadine Leoncio, Multimedia Producer, Saklolo

Posted at Dec 12 2012 07:14 PM | Updated as of Feb 15 2013 08:57 PM

Hanggang saan ang kayang isakripisyo ng isang magulang para sa kanyang anak?

Ayon kay "Nanay Mildred," handa siyang gawin ang lahat para mabigyan lang ang kanyang mga anak ng magandang buhay. Pero ang kagustuhang iyon ay tila isang pangarap lang. Sa kasawiang palad, tatlo sa apat na anak ni Nanay Mildred ay may sakit sa pag-iisip.



Sa labas ng kanilang maliit na tahanan sa Macrohon, Southern Leyte ay nakagapos sa bakal ang kanang paa ng bunsong anak na si “Rolan”. Mula sa hindi kalayuan, nakatayo naman ang isang kubo kung saan nakapirmi si “Dennis”, pangatlo sa magkakapatid.

Umabot sa puntong sila-sila ay nagkakasakitan kaya napilitan si Nanay Mildred na igapos si Rolan. Ang tahimik naman na si Dennis ay ayaw makipag-usap kahit kanino. At ang panganay na si “Abigail”, kadalasa’y inaaway ang kanyang ina.

Parang isang kalbaryong walang katapusan ang pasan ni Nanay Mildred. Pero ganunpaman, hindi siya nawawalan ng pag-asa na gumaling ang mga anak.

Simula nang mamatay ang asawa, mag-isa na lang niyang binubuhay ang mga anak. Si Abigail, 50 taong gulang, si Dennis, 46 taong gulang at si Rolan na 43 taong gulang. Lahat sila, umaasa nalang sa paglalako ng isda ni Nanay Mildred.

Hindi alam ni Aling Mildred kung bakit nagkaroon ng diperensya sa pag-iisip ang mga anak. 1986 nagkasakit si Dennis at 1987 naman si Rolan. Ang panganay niyang si Abigail ay hindi matukoy kung kailan nagkasakit.



Sa tulong ng Lingkod Kapamilya ay dinala ang magkakapatid sa Vicente Sotto Memorial Medical Center
sa Cebu. Sa paunang eksaminasyon ay napagalaman na may bipolar disorder si Abigail. Schizophrenia
undifferentiated disorder naman ang kay Dennis at si Rolan ay may schizophrenia affective disorder. Pansamantala muna silang mananatili sa ospital habang sumasailalim sa paggamot at rehabilitasyon.

Mahirap para kay Nanay Mildred na mawalay sa mga anak. Pero alam niyang makakabuti ito para sa kanila. Umaasa siya na balang araw ay gagaling sila at muli silang magkakasama-sama.

Aired on December 12, 2012