Ako ang simula: Kasalang Bayan

by Jessalee E. Depusoy Multi-Media Producer

Posted at Nov 15 2011 10:55 AM | Updated as of Nov 25 2011 05:24 PM

Ayon sa huling census ng National Statistics office, humigit kumulang Tatlong milyong Pilipino ang nagsasama ng hindi kasal o magkalive-in. At sa Barangay Barangka drive, Mandaluyong City, madami ang nasa ganitong sitwasyon.

Karamihan ng mga magkalive-in sa Barangka ay mga menor de edad at mula sa mahihirap na pamilya. Wala umano silang kakayahang gumastos para mapakasalan ang kanilang minamahal kaya naman kahit may mga anak na at matagal nang nagsasama, ang pagpapakasal ay tila pangarap na lamang.

Isang Patroller ng Pagbabago ang kumilos para unti-unting maialis ang kanyang mga kabarangay sa ganitong sitwasyon, si Aling Virginia Dado. Simpleng may-bahay si Aling Virgie at mayroon siyang maliit na tindahan na pinagkukunan niya ng ikabubuhay. Sa kanilang lugar, takbuhan siya ng mga kapitbahay na nagkakaroon ng problema sa kanilang buhay mag-asawa. Hindi dumaraan ang isang linggo na walang dumudulog sa kanya at karamihan, pares na nagsasama lamang at hindi pa kasal.

Nauunawaan ni Aling Virgie ang sitwasyon ng mga humihingi ng tulong sa kanya. Pinagdaan din umano niya ang ganitong problema noong hindi pa sila kasal ng kanyang mister, si Mang Dado.

Si Aling Virginia Dado, ang Patroller ng Pagbabago sa Brgy. Barangka drive, Mandaluyong City

1991 noong mag-isang dibdib si Aling Virgie at Mang Dado sa pamamagitan ng isang Kasalang Bayan sa Mandaluyong City. At tila sinuwerte daw sila mula ng mabasbasan ang kanilang pagsasama. Kaya naman sa tuwing may gaganaping Kasalang bayan, suportado ito ni Aling Virgie. Sa katunayan, apat na beses na siyang katulong sa pagsasagawa nito at siya mismo ang nanghihikayat sa mga kabarangay na hindi pa kasal na makiisa dito.

Isa sa mga nahikayat ni Aling Virgie ay ang kaibigan niyang si Clarita. Apatnapu’t limang taon nang nagsasama si Clarita at Erol at mayroon silang isang Anak, si Arnold. Mala-pelikula ang kanilang love story. Ipinaglaban nila ang kanilang pagmamahalan na sa simula pa lamang ay tinututulan na ng kani-kanilang pamilya. Kasambahay kasi noon ng pamilya ni Erol si Clarita at hindi nila matanggap ang relasyon ng dalawa dahil bukod sa agwat ng estado nila sa buhay, sampung taon din ang agwat ng kanilang edad. Bunga nito, nawalan ng mana si Erol. At ang masaklap pa,nagkaroon siya ng sakit sa baga dahilan kung bakit hindi siya makapagtrabaho at matigil sa pag-aaral ang anak nila ni Clarita.

Si Clarita at Erol, 45 years nang nagsasama. Dating kasambahay ng pamilya ni Erol si Clarita.

Tutol din kay Rosalie Ballanie ang kanyang biyenan. Kilala kasi siya noon sa barangay bilang adik sa droga at may dalawang anak sa magkaibang lalaki. Ngunit ipinaglaban pa rin siya ng kanyang karelasyon, si Robert. Pero wala pang kakayahang magsarili at umupa ng bahay ang dalawa kaya’t tumira na lamang sila sa bubungan ng bahay nina Robert.

Sina Rosalie at Robert, dahil walang pang-upa, sa bubong nanirahan.

Kung sina Rosalie at Robert tiniis ang pagtira sa bubungan, sina Chinky at Jeffrey naman nakikipisan sa maliit na barong-barong kasama ang halos dalawampung miyembro ng kanilang pamilya. At sa dami nila, hindi maiwasan ang pag-aaway.

Sa iba't ibang problemang kinakaharap ng tatlong pares na ito, pangarap pa rin nila ang magpakasal. Naniniwala kasi sila na lalu nitong pagtitibayin ang kanilang pagsasama. Kaya naman sa pagsisimula ng ating Patroller ng pagbabago at pakikipagtulungan ng Galing Pook at iba’t ibang ahensya at organisasyon, isinagawa ang Kasalang bayan sa Mandaluyong City.
Apatnapu’t dalawang pares ang ikinasal kasama na sina Aling Clarita, Rosalie at Chinky. Kakaiba ang kanilang bridal car, E-trike, masasarap ang handang pagkain at kitang kita sa mga mata nila ang kaligayahan.

Ang 42 pares na nagsumpaan ng walang hanggang pagmamahalan sa Kasalang Bayan sa Mandaluyong City. Ang mga bagong kasal kasama ang ating Patroller ng Pagbabago

 

Sina Chinky at Jeffrey, Rosalie at Robert, Clarita at Erol matapos ang kanilang Kasal.

Bukod dito, regalo din sa mga bagong mag-asawa ang scholarship para sa pag-aaral ng mga anak at may inilaan ding trabaho para sa kanila. Pangmatagalang tulong ito para sa mas maayos nilang buhay pamilya. Mabuhay ang bagong kasal!

November 12, 2011