Krusada: Desaparecidos

By Nathalie Blanco, Multimedia Producer, Krusada

Posted at Sep 25 2012 05:14 PM | Updated as of Sep 27 2012 09:41 PM

Dekada '70 noong ipinatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Batas Militar sa bansa. Marami sa mga nangahas na lumaban ay ikinulong at pinapatay. Pero ang iba ay nawala na lang nang parang bula mula sa lipunan. Sila ang mga “desaparecidos,” mga biktima ng pwersahang pagkawala.

Ang magkakapatid na Balao sa ika-apat na anibersaryo ng pagkawala ng panganay nilang si James Balao

Sa ika-40 anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar, nagtipon-tipon ang mga datihang aktibista upang muling makibaka. Muli silang nagsusumigaw dahil kahit hindi na nasasailalim sa Batas Militar ang bansa ay mayroon pa ring mga mamamayan na bigla na lang nawawala, at hindi na muling natatagpuan.

Ngayong Huwebes sa Krusada, ulat ni Henry Omaga-Diaz: ang pinagdadaanang pighati ng pamilya ng mga desaparecidos, dulot ng kawalang katiyakan kung muli pa nilang makikita ang kanilang mga mahal sa buhay.

"Bakit may mga desaparecidos pa rin sa kabila ng pagkakakamit ng pinangarap nating lipunang makatao at makatarungan? May pag-asa pa ba para sa kanila, o tulad ng dati, wala pa ring hustisya?" tanong ni Henry.

Maswerte ang mga nalagpasan ang bagsik ng Batas Militar at nabuhay para ibahagi ang kanilang kuwento. Isa na dito ang premyadong direktor na si Joel Lamangan, kasapi noon ng militanteng grupong Kabataang Makabayan.

Nakulong at pinahirapan man ng ilang beses, nakatakas si Joel at nakapagsimula muli bilang premyadong direktor. Ngayon ay ginagamit pa niya ang kaniyang sining upang gumawa ng advocacy films na lumalaban sa paglabag sa karapatang pantao. Pero hindi lahat ay pinapalad tulad niya.

Taong 2008 nang dinukot si James Balao, isang kasapi ng non-government organization na Cordillera Peoples Alliance, na nagtataguyod ng mga karapatan ng mga katutubo.

Mula nang madukot si James, nabago ang dating tahimik na buhay ng kaniyang pamilya. Walang tigil ang kaniyang mga kapatid sa paghahanap sa kanilang panganay at sa mga taong dumukot sa kanya.

Mahahanap pa kaya si James? Kailan kaya makakamit ng kaniyang pamilya ang hustisya?

Mapapanood ang Krusada: “Desaparecidos,” ulat ni Henry Omaga-Diaz, sa ika-27 ng Setyembre, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Setyembre 29 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episode ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Airdate: September 27, 2012