Krusada: Bayani ng pamilya

By Nathalie Blanco, Multimedia Producer, Krusada

Posted at Sep 12 2012 03:18 PM | Updated as of Sep 12 2012 11:18 PM

Henry Omaga-Diaz

Kung tatanungin ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) kung bakit nila pinipiling umalis ng Pilipinas upang makapagtrabaho sa abroad, halos iisa lamang ang isasagot nila: para matulungan ang pamilya at makapagpundar ng pera para sa kanilang pangangailangan.

Sa kasalukuyan, halos 15 milyon na ang mga OFW na nagsisikap upang makamit ang kanilang mga pangarap. Ngunit marami sa kanila, sa kabila ng matagal na pagkakawalay sa pamilya para kumita ng malaki, umuuwi pa rin sa Pilipinas na walang nakakamit na pag-asenso.

Ayon sa ATIKHA, isang non-government organization na nagbibigay-serbisyo sa mga pangangailangan ng mga OFW, 30% lang sa kanila ang talagang naiaahon ang pamilya. Hindi kasi sapat na malaki lang ang sweldo, kailangang matuto rin kung paano hahawakan ang pera.

Kamakailan lang, binisita ni Henry Omaga-Diaz ang mga OFW sa Iqaluit, Northern Canada. Personal niyang dinokumento ang kanilang mga kwento at pati na rin ang kanilang pamumuhay sa Arctic region.

Isa sa mga OFW doon si Bonnie Berzamina, dating caregiver at ngayon ay staff sa isang pharmacy. Dahil sa kanyang pagpupursige sa buhay, napagtapos niya ang kanyang mga kapatid at nakabili na din ng bahay sa Pilipinas. Magkakaroon na rin siya ng sariling negosyo sa Canada.

Pinuntahan din ng Krusada ang pamilya ni Bonnie sa Davao. Para sa mga magulang niya, mahirap ang mawalay sa kanilang anak pero malaki ang pasasalamat nila sa mga sakripisyo ni Bonnie. Kaya naman sinusuklian nila siya ng matinding suporta.

Paano kaya ito nagawa ni Bonnie? Ano nga ba ang dapat gawin ng isang OFW at ng kanyang pamilya upang hindi mapunta sa wala ang kanyang mga sakripisyo? Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng tagumpay?

Para kay Henry, mahalaga ang maipakita ang mga kwentong tulad ng kay Bonnie upang kapulutan ng aral at upang magsilbing inspirasyon din sa iba pang mga OFW.

"Kahit saan mang sulok ng mundo, kilala sa pagiging masipag at matatag tayong mga Pilipino. Maaaring may mga kwento ng kalungkutan, pero sa kabila nito, marami rin naman ang mga kwento ng tagumpay."

Mapapanood ang Krusada: "Bayani ng Pamilya", ulat ni Henry Omaga-Diaz sa ika-13 ng Setyembre, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Setyembre 15 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ng inyong mga opinyon sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV.

Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episode ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: September 13, 2012