ABS-CBN News

Krusada: Lingap

Posted at | Updated as of 09/05/12 8:22 AM

"HABAGAT" -- hindi ito naging isang ganap na bagyo pero nagbunga ito ng mabiis na pagtaas ng baha noong nakaraang buwan lamang.

Tatlong taon matapos ang Ondoy, naparalisa na naman ang buong Maynila at mga kalapit na probinsya sa walong araw na walang tigil na pag-ulang dulot ng hagupit ng habagat.

Para sa mga may kaya sa buhay, naging mas madali ang pagbangon mula sa sakuna. Pero para sa marami nating mga kababayan, isang mabigat na kalbaryo kung paano makakapagsimula muli.

Mabuti na lamang at buhay na buhay pa rin sa ating mga Pilipino ang kultura ng bayanihan. Nagkusa ang marami na mag-organisa at magbigay ng tulong para sa mga nasalanta. Para kay Tina Monzon-Palma, sa panahon ng kalamidad, damayan at pagtutulungan ang ating sandalan.

Photo courtesy of Christine Chu

"Mula sa munting tulong na kaya nating ibigay, madudugtungan at maisasalba ang mga buhay at kabuhayan na muntik nang sirain ng sakuna," aniya.

Malaking tulong ang mga relief good para pansamantalang matugunan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan. Subalit, hindi ito sasapat para tuluyan silang makaahon mula sa bahang tumangay ng kanilang bahay at kabuhayan.

Paano ba natin matutulungan ang ating mga kababayan na makapagsimula muli? Ano nga bang klaseng pagkalinga ang kinakailangan nila? Ano ang responsibilidad na nakaatas sa mga local na pamahalaan at mga pambansang ahensya gaya ng National Housing Authority (NHA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD)?

Photo courtesy of Christine Chu

Kasama ang Sagip Kapamilya, kakamustahin ni Tina ang kalagayan ng mga bayang labis na naapektuhan ng habagat. Isa sa mga binisita ni Tina ang Pila, Laguna, na nagmistulang isang malawak na dagat sa pagkalunod ng mga palayan at palaisdaan sa mahigit pitong talampakang lalim ng baha.

Sa kabila nito, nananatili ang tibay ng loob ng mga residenteng nagsisiksikan sa mga evacuation centers.

“Kahit anong bagyo pa ang magdaan, karapatan ng bawat isa ang magkaroon ng pag-asa,” giit ni Tina.

Mapapanood ang Krusada: “Lingap”, ulat ni Tina Monzon-Palma sa ika-6 ng Setyembre, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Setyembre 8 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV.

Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: September 6, 2012