XXX: Budul-budol gang

By XXX

Posted at Aug 12 2011 01:38 PM | Updated as of Aug 12 2011 09:43 PM

Tatlumpu’t dalawang taong nagtrabaho bilang caregiver sa Amerika si Ginang Remy, hindi niya totoong pangalan.

Kaya naman, labis at hindi maipaliwanag ang panghihinayang na kanyang naramdaman, dahil sa sinapit niya sa kamay ng isang grupo ng mga diumano’y Budul-Budol Gang.

REMY: Habang nagwawalis ako sa labas, may lumapit na babae sa akin. May babaeng lumapit sa akin, Stella daw ang pangalan nya. Makikiinom daw siya. Nasiraan daw sila malapit sa amin. Binigyan ko naman siya agad.

Ang hindi akalin ni Remy, ang pagmamagandang loob niyang iyon sa estrangherang babae, ay simula na pala ng unti-unti niyang pagka-hulog sa bitag ng mga manlolokong kawatan.

REMY: Sabi niya, naghahanap daw sila ng bahay na mabibili, nagkataon ibinebenta ko naman iyong bahay ko. Sabi ko 5 million, sila na ang bahala sa papeles. Ang sabi niya, babalik daw siya kasama ng buyer.

Noong araw din iyon, isa ding babae na nagpakilala bilang Amy, ang nagsadya upang tignan ang kanyang bahay.

REMY: Hindi naman ako nagtaka, dahil talagang for sale naman talaga ang bahay ko.

Makalipas ang ilang araw, muli ngang bumalik si Stella. At sa pagkakataong iyon, ay kasama na niya ang mga dayuhang Arabo at Hapon, na bibili daw sa bahay ni Ginang Remy.

REMY: Habang kausap ko sina Stella, tumawag si Amy, on the way na daw sila at dala na ang pang-down. Eh siyempre, since nakipag-sarado na ako kina Stella, kaya hindi kona ibinigay kay Amy.

Sa pagkakataon iyon, naikuwento ni Remy sa mga dayuhang kasama ni Stella ang tungkol sa mga dayuhang negosyanteng gusto rin diumanong bumili sa kanyang bahay.

REMY: Nung sinabi kong negosyante rin, sinabi nila na may hinahanap daw silang enhancer na baka meron daw yung mga kilala ni Amy. Isinulat nya, EMPEROR ENHANCER. Nagkataon naman na meron daw sina Amy.

Dahil panatag na ang loob ni Remy sa ka-transakyong Arabo, pumayag ang Ginang na maging ‘middle man’ ng bibiling diumanoy enhancer mula kay Amy.

REMY: Siyempre, gusto ko rin kumita ng extra. Babayaran daw nila ako ng P1000 kada isang box.

Kinabukasan, agad ngang kumita si Ginang Remy ng P3,000 mula sa isang box ng enhancer, na inorder nya mula kay Amy.

Dahil daw doon, mas naging panatag ang loob ni Remy sa kausap na Arabo.

REMY: Tapos noon, nagpa-order ulit sya ng 100 box. Kaya umorder agad ako kay Amy.

Ang hindi alam ni Aling Remy, iyon na pala ang mitsa ng malaking panlolokong niluluto sa kanya ng mga kawatan.

REMY: KInabuksan, dalawang malaking kahon ng enhancer ang dumating. Siya daw si Russel. Tapos noong tinawagan ko iyong Arabong kausap ko, ang sabi abonohan ko daw muna dahil nasa malayong lugar daw siya.

Dahil panatag ang loob, nakumbinsi naman daw itong si Ginang Remy na mag-abono ng mga alahas na humigit kumulang tatlumpu’t tatlong libong dolyar ($33,000)

Bukod pa ang walong daang dolyar na cash ($800) at isandaang libong pisong cash (P100,000).

Subalit matapos ang transakyon iyon, ay hindi na raw magawa pang makontak ni Aling Remy ang kausap na Arabo.

Sa panayam ng ‘XXX’ na ipinalabas sa telebisyon, harapang binuksan nina Julius Babao at Ginang Remy ang mga diumanoy milyong halaga ng enhancer na binili nya.

At doon, napag-alamang asin lang pala ang laman ng mga sisidlang iyon na may tatak na EMPEROR ENHANCER.

Sa resultang inilabas ng isang private testing laboratory, kumpirmadong asin nga ang laman ng mga lalagyang dala ni Ginang Remy.
 



MAG-INGAT SA RAKET NG BUDUL-BUDUL GANG

  1. Huwag basta magtiwala lalo na kung hindi kilala ang kausap.
  2. Huwag basta-basta magpapapasok sa loob ng bahay.
  3. Huwag makikipag-transaksyon sa telepono.
  4. Laging humingi ng ID sa taong kausap, o anumang patunay sa mga produktong ibinebenta sa’yo.

Kung sino man ang nakakakilala sa kinaroroonan ng lalaking ito, mangyaring ipagbigay alam sa pinakala-malapit na istasyon ng pulis o sa ‘XXX’ sa (02) 414-2539.

Tuloy-tuloy ang mga eXklusibong eXplosibong eXpose sa
Facebook: ‘ABS-CBN’s eXklusibong eXplosibong eXpose’
Youtube: XXXposeTV
Twitter: @XXXposeTV

August 8, 2011