Current Affairs, Ako ang Simula: Nanay Gamay: Bayani ng tahanan

By Nadine Leoncio, Multimedia Producer, Ako ang Simula

Posted at Jul 28 2012 11:13 PM | Updated as of Jul 29 2012 07:13 AM

May hangganan ba ang responsibilidad ng isang ina sa kanyang mga anak? Para kay Cristerna Leliza, handa siyang ialay ang buong buhay magkaron lang ng magandang kinabukasan ang mga anak. Kilala bilang masipag at maaruga si Cristerna o “Nanay Gamay”sa Sitio Sapinit, Antipolo. Apat ang kanyang trabaho pero ni minsan ay hindi niya naisip na sumuko.

Maliit at balingkinitan ang katawan ng 54 na taong gulang na nanay. Kaya siya tinawag na “Nanay Gamay” dahil ang ibig sabihin ng “Gamay” sa Cebuano ay maliit. Paggising sa umaga ay nagluluto siya ng maruya na ilalako sa kanilang barangay. Sa hapon naman ay banana cue ang kanyang paninda. Tumatanggap din ng labada si Nanay Gamay. At imbes na magpahinga ay nagtatanim naman siya ng kamoteng kahoy para ibenta. Maliit lang ang kinikita ni Nanay Gamay. Kadalasan ay kulang pa ito sa pangangailangan ng kanyang mga anak. Maswerte na siya kung umabot ang kita niya sa P300 sa isang araw.

Nanay Gamay

Mag-isang pinalaki ni Nanay Gamay ang kanyang 11 anak. Iniwan man siya ng asawa, hindi siya pinanghinaan ng loob. Nagawa niyang tumayong ama at ina sa mga anak. Sa ngayon ay tatlong anak na lang ang nakatira sa kanya at ang iba ay nag-asawa na. Ang dalawa sa kanila ay pinapag-aral pa niya. Hindi pa rin talaga nakakaluwag si Nanay Gamay sa gastusin dahil sinusuportahan pa rin niya ang mga apo.

Walang ibang hinangad si Nanay Gamay kundi ang mabuting kapakanan ng mga anak. At dahil lagi niya silang inuuna, nakalimutan na niyang alagaan ang sarili. Malabo na ang paningin ni Nanay Gamay. Pero imbes na ipambili ng salamin ang kanyang kinikita ay binibigay na lang niya ang perang ito sa mga anak.

Sa tulong ng Sarabia Optical ay napatingnan ang mga mata ni Nanay Gamay. Isang salamin ang ibinigay para makapagbasa na siya ulit. Ngunit mas ikinatuwa niya ang mga sumunod sa surpresa. Binigyan siya ng groceries at mga gamit na pangluto ng Ultramega Supermarket. Sa tulong ng Ako ang Simula, pinailawan ang kanilang bahay, na dati ay walang kuryente. Lubos ang pasasalamat ni Nanay Gamay dahil ang mga biyayang natanggap ay malaki ang maitutulong sa kanyang pamilya.

Air date: July 25, 2012