ABS-CBN News

Jennifer Doroga: Katapatan sa kabila ng pangangailangan

Posted at | Updated as of 07/06/12 12:35 AM

Anong karangalan ang kapalit ng katapatan? Para kay Jennifer Doroga, janitress sa NAIA Terminal 1, walang katumbas ang paggawa ng kabutihan.

Sa araw-araw na paglilinis ni Jennifer ay hindi niya akalaing makakahanap siya ng wallet na may P1.2 milyong piso. Nangibabaw ang prinsipyo ng janitress na pinagkakasiya lang ang maliit na kinikita para sa pamilya. Imbes na iuwi ang nawawalang pera ay agad niya itong dinala sa airport administration.

Isa lang si Jennifer sa mga Pilipinong nagsusumikap para buhayin ang pamilya. Bunso siya sa apat na magkakapatid. Pero kahit na may kanya-kanyang asawa’t anak ang mga kapatid, tumutulong pa rin siya sa kanila. Sa kanyang isang buwang sweldo na P5,000 ay nagagawa pa niyang pag-aralin ang pamangkin na si Jonathan.
Second year college na sana siya, ngunit nahinto dahil sa problemang pinansyal. Sa ngayon ay doble kayod sa pag-o-overtime si Jennifer para maibalik sa pag-aaral ang pamangkin.

Tapos na sana ang problema ni Jennifer kung kinuha niya ang nakitang pera. Pero para sa kanya, prinsipyo pa rin ang mas mahalaga.

Dahil sa kabutihang loob ni Jennifer ay tinulungan siya ng Ako ang Simula. Para gamiting pangkabuhayan ng pamilya, binigyan sila ng tatlong sako ng bigas mula sa Sunnywood Harvester’s Rice at mga paninda galing sa Ultramega. Ang lalo pang ikinatuwa ni Jennifer at ng kanyang pamilya ay ang scholarship na ibinigay ng STI sa pamangkin niyang si Jonathan.

Wala siyang pagsisisi sa pinanindigan niyang katapatan. Para sa kanya, hindi mahalaga ang yaman kung wala ka namang busilak na kalooban.