Krusada: Homestudy

By Nathalie Blanco, Multimedia Producer, Krusada

Posted at Jun 13 2012 12:33 PM | Updated as of Jun 13 2012 08:33 PM

Isang malaking hamon ang edukasyon para sa lahat.

Sa Holy Spirit National High School sa Quezon City, sa dami ng mga estudayante ay kulang na kulang sila sa silid-aralan. Bawat classroom, mayroon mahigit 100 mag-aaral na hinati sa dalawang klase, at plywood lamang ang kanilang pagitan.

Alang-alang sa edukasyon, tiniitiis ng mga mag-aaral ang mahirap nilang sitwasyon. Walang mga mesa na pwedeng sulatan. Ang ibang mag-aaral, nasa sahig na. Literal na subsob sa pag-aaral ang mga bata. Mainit na, masikip pa.

Taun-taon, ito ang sumasalubong na problema sa mga kinatawan ng maraming mga pampulikong paaralan sa bansa. Kaya naman ito ang nais tutukan ni Tina Monzon-Palma sa kanyang susunod na ulat para sa Krusada.

“Napakarami ang naniniwala na ang edukasyon ay susi sa isang magandang kinabukasan. Pero, paano kung puno na ang mga eskwelahan? Homestudy nga ba ang solusyon sa kakulangan natin sa mga classroom? Isinusugal ba natin ang kinabukasan ng ating mga anak?” tanong ni Tina.

Ang naisip na solusyon ng Department of Education (DepEd) para dito ay isang alternatibong pamamaraan ng pag-aaral. Ang "alternative delivery mode" na ito ay tinatawag na Homestudy Program.

Ang bahay ang nagsisilbing silid-aralan. Hindi na kailangang pumasok at makipagsiksikan sa eskwelahan araw-araw. Pero hindi lahat ay sang-ayon sa Homestudy Program ng DepEd, tulad ni Congressman Raymond Palatino.

Aniya, “Kapag ang estudyante gustong mag-aral, tapos nandun sila sa home study na hindi nila gusto, parang hindi ba natin sinisira ang buhay o kinabukasan ng mga bata?”

Paano nga ba mahahabol ng pamahalaan ang pagdami ng mga estudyante at kakulangan sa classrooms? Homestudy nga ba ang kasagutan? O isa na naman itong programang hindi pinag-isipan at pinagplanuhan? Alamin sa Huwebes, ika-24 ng Mayo, 2012, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.

Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, making at makiisa sa Krusada, at mag-kumento sa aming Facebook Fanpage! Huwag kalimutang i-“like” ang http://
facebook.com/Krusada.

Mapapanood ang replay ng Krusada tuwing Sabado, 1:30 ng hapon sa ANC.

Air date: June 14, 2012