Mga mag-aaral, sasalubungin ang bagong simula

By Nadine Leoncio, Multimedia Producer, Ako ang Simula

Posted at Jun 01 2012 12:32 PM | Updated as of Jun 22 2012 07:01 PM

BACLAYON NATIONAL HIGH SCHOOL, BACLAYON, BOHOL

 

Isa sa maraming dahilan ng pagda-drop sa klase ay ang kalayuan ng eskwelahan sa tinitirahan ng mga estudyante. Ito ang malaking problema ng Baclayon National High School, Bohol. Halos nasa 20 % ng mga estduyante ang naglalakad ng dalawang oras bago makarating sa paaralan.

Bukod sa malayo, mainit at mabato pa ang daan na nilalakad nila araw-araw. Umaga palang pero lubos na ang kanilang pagod. Dahil dito ay hindi na sila makapag-concentrate sa klase. Ang iba sa kanila ay tuluyan nang hindi pumapasok.

Noong nakaraang taon, umabot sa bilang na 69 ang mga estudyanteng nasa “Students at Risk of Dropping Out”. Sila ang mga estudyanteng umaabsent ng tatlong beses kada linggo.

Kasama na dito ang magkapatid na Sherwin at Ron. Pangarap nila na makatapos ng pag-aaral para makatulong sa pamilya. Pinagkakasya lang kasi ng kanilang ina ang maliit na kinikita ng ama mula sa pagko-construction. Pero aminado ang magkapatid na hirap sila sa pagpasok sa eskwelahan dahil sa haba ng lalakarin araw-araw. Alas singko pa lang ng umaga, gising na sila at naghahanda para sa isang mala-kalbaryong daan na dapat malampasan.

Ito rin ang dinadaing na problema ng ibang estudyante. Nangangamba sila na baka hanggang pangarap nalang ang pagtatapos sa pag-aaral.

Taong 2004 nang may i-tour si Joel Uichico na mga turista sa Baclayon. Sa gitna ng tour, nakita niya si Sherwin na naglalakad. Doon niya nalaman ang problema ng mga estudyante ng Baclayon National High School. Nag-isip siya kung paano makakatulong sa mga mag-aaral. At ang nakita niyang solusyon ay pamimigay ng mga bisikleta.

Maraming nagmabuting loob na sumuporta sa adhikain ni Joel. Sa tulong ng “Bikes for the Philippines”, 80 bisikleta ang ibinahagi sa mga estudyanteng malayo ang nilalakad papuntang eskwelahan. Lubos ang pasasalamat ng mga taga-Baclayon sa natanggap na pagbabago.

Bukod pa dito ay 400 sapatos ang ipinamigay sa mga estudyante ng nasabing paaralan. Inilibot din ng programang, Ako ang Simula ang “Happy Timba” para makalipon ng pambili ng water tumbler.

Isang magandang kinabukasan ang naghihintay sa mga estudyante ng Baclayon National High School. Mahaba man ang taon na kailangan pang bunuin sa pag-aaral, hindi na mahaba ang kanilang lalakbayin para makarating sa eskwelahan.

BALIK ESKWELA ANG ISANG PARKING BOY

Imbes na nasa silid-aralan, nakababad sa parking lot ng isang fast food chain sa Quezon city si Sandro Egana, 15 taong gulang. Maswerte na siya kapag kumita ng P250 sa isang araw. Minsan ay nangangalakal rin ng basura si Sandro para makalikom ng perang ipangbubuhay sa pamilya. Siya lang kasi ang inaasahan ng buntis na ina at tatlong nakababatang kapatid.

Tulad ng ibang kabataan na maagang nagbanat ng buto, pangarap din niyang makatapos ng pag-aaral. Dapat ay nasa second year high school na siya ngunit tumigil noong nakaraang taon. Bukod sa kahirapan ay hindi makapag-enroll si Sandro dahil sa kakulangan ng requirements. Hinihingi sa kanya ang Form 137 o record mula Grade 1 hanggang Grade 6. Ang problema ni Sandro, sa Meycauayan, Bulacan pa kukunin ang nasabing requirements.

Bahagi ng kanyang kinikita ay itinatabi sa pamasahe pabalik ng Bulacan. Ngunit hirap makaipon si Sandro. Lalo na at kulang pa ang kinikita sa pang-araw araw na pagkain ng pamilya.

Bukod sa pangarap na maipagpatuloy ang pag-aaral, plano din ni Sandro na ilipat ng tirahan ang pamilya. Bahain kasi sa lugar nila sa Brgy. Tatalon at dalawang beses ding nasunugan. Buti na lang at hindi inabot ang kanilang bahay.

Minsan nang umabot sa P1,000 ang ipon ni Sandro. Uunahin na sana niya ang pang-down sa lilipatan, pero nagkasakit naman ang kapatid. Naubos ang kaunting ipon at hanggang ngayon ay hindi parin sila nakakalipat ng bahay. Ayon kay Sandro, mas mapapadali sana ang pagbibigay ng magandang buhay sa pamilya kung siya ay makakatapos ng pag-aaral.

Sa nalalapit na pagbabalik eskwela, isang surpresa ang nagpasaya kay Sandro. Maipagpapatuloy na niya ang pag-aaral sa Dona Josefa National High School, Quezon City. Para naman may pagkakakitaan ang kanyang ina ay binigyan sila bigas at groceries para makapagsimula ng isang sari-sari store.

Aired on May 30, 2012