Krusada: 'Iskwater'

Nathalie Blanco, Multimedia Producer, Krusada

Posted at May 30 2012 02:57 PM | Updated as of Jun 01 2012 12:42 AM

Mahigit 580,000 pamilya ang itinuturing na "iskwater" o illegal settlers sa Metro Manila. Ilegal silang maituturing dahil hindi nila pag-aari ang lupang kanilang tinitirhan.

Squatters' area sa Delpan, Tondo, Maynila. Photo courtesy of Alyssa Go Montesa

Ayon sa National Housing Authority (NHA), 30,000 pamilya lamang ang nabibigyan nila ng relokasyon kada taon. Ito’y dahil na rin sa umano’y maliit na budget na inilalaan sa kanila ng pamahalaan.

 

Susunod na Huwebes sa Krusada, ulat ni Abner Mercado: ipapakita na sa loob ng maraming taon at sa kabila ng mga programa ng pamahalaan, ang problema sa mga "iskwater" ay hindi pa rin natutugunan.

"Ang 'iskwater' ay ugat lamang ng mas malalim pang problema. Walang oportunidad sa probinsiya kaya marami sa kanila'y nagbabakasakali sa siyudad. Mahalagang intindihin sila ng gobyerno dahil hindi nila pinili ang kanilang kinalalagyan," ayon kay Abner.

Isa sa mga sinasabing "iskwater" na nakapanayam ni Abner ay si Lilibeth Lavapie, dalawang dekada nang informal settler sa Port Area, Manila. Bagama’t nagmula sa Albay, sa squatters' area na ipinanganak at lumaki ang kanyang mga anak. Hindi raw biro ang mamuhay bilang "iskwater" dahil bukod sa hirap, panay rin daw ang banta panununog sa kanilang lugar. Malapit na rin umano silang paalisin sa kanilang tinitirhan.

Ganito ang kapalaran ng marami pa nating kababayan sa mga squatters’ area. Bukod sa bantang demolisyon o sunog, nangangamba pa sila para sa kanilang buhay.

May mga programa naman ang pamahalaan para sa kanila. Pero patuloy pa rin ang pagdaing ng mga "iskwater". Ano nga ba ang dahilan at paano nga ba ito malulutas?

Ating suriin ang "Balik Probinsiya Project" ng Virlanie Foundation, isang non-government organization (NGO) na naglalayong makabalik sa pinanggalingang probinsiya at makaahon muli sa buhay ang mga pamilyang nauwi sa pagiging "iskwater" sa Maynila.

Abner Mercado kasamasi Nanette RepalpangVirlanie Foundation | Photo courtesy of Alyssa Go Montesa

Matagumpay nga kaya ang ganitong programa? Epektibo nga ba itong solusyon upang matulungan ang mga informal settlers?

Mapapanood ang Krusada sa Huwebes, ika-31 ng Mayo, 2012, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo Channel 26 at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.

Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, makinig at makiisa sa Krusada at mag-kumento sa aming Facebook Fanpage! Huwag kalimutang i-"like" ang http://facebook.com/Krusada

Mapapanood ang replay ng Krusada tuwing Sabado, 1:30 ng hapon sa ANC.

Air date: May 31, 2012