Krusada: Tunay na Kulay (Early Voters' Education)

By Nathalie Blanco, Multimedia Producer, Krusada

Posted at May 24 2012 10:38 AM | Updated as of May 24 2012 06:38 PM

Unti-unti na nating nararamdaman ang simoy ng eleksyon. Ngayon pa lang ay nagsisimula nang magplano ang mga nagbabalak tumakbo sa susunod na taon.

Hindi kasi basta-basta ang manalo sa halalan. Laging mahigpit ang laban. Kaya naman kahit wala pang nagpapasa ng kanilang mga certificates of candidacy, kanya-kanya ng istratehiya, kanya-kanya ng paghahanda para tumatak ang kanilang pangalan pagdating ng botohan.

Isa-isa na ngang nagsusulputan ang mga mukha ng mga pulitiko sa iba’t ibang mga patalastas. Hindi man legal na masasabing sila’y nangangampanya na, para sa marami, uri pa rin to ng pagpaparamdam ng may mga intension na tumakbo sa eleksyon.

Susunod sa Krusada, ulat ni Henry Omaga Diaz: pag-uusapan ang "pagpapapogi" ng mga pulitiko at kung nakakaapekto pa ba ito sa mga boboto. Maihahalintulad sa mga produktong inilalako sa merkado ang mga kumakandidato. Dapat pasok sa panlasa ng masa para sila’y manalo.

Sa likod ng mga pulitiko, may iba’t ibang utak na nagtutulungan sa pagbuo ng kung anuman ang inihaharap sa publiko. Kilalanin ang mga mukha sa likod ng advertising at public relations agencies, fashion designers at graphics at printing companies.

“Pero dapat bang madala ng imahe o pagpapapogi ang mga botante? Paano ba natin dapat kikilatisin ang ating mga kakandidato habang maaga pa? Ano nga ba ang binibili mo, ang produkto o ang pambalot nito?” tanong ni Henry.

Ang uri ng pamahalaan ng Pilipinas ay nakasalalay sa desisyon ng mga botante tuwing eleksyon. May mga pinagbabatayan lang ang kanilang desisyon sa kung sino ang mas sikat. Mayroon ding ipinagbibili ang kanilang mga boto kapalit ng ilang daang piso. Pakinggan ang kuwento nina “Peter” at “Allan”, mag-tiyuhin na recruiter at flying voter.

Gaano nga ba kalaganap ang ganitong klaseng kalakalan? Bakit nila ito ginagawa?

Wala na daw mas magiging epektibong paraan sa pagtuturo ng tamang pagboto kung hindi sa pormal na Voters’ Education sa mga paaralan, tulad ng ipinapanukala ni Rep. Edwin Olivarez. Mismong ang COMELEC ay sumusuporta dito. Magbibigay din ng payo si James Jimenez, Direktor ng Education and Information ng ahensiya.

Ano nga ba ang tunay na kulay ng eleksyon sa bansa? Alamin sa Huwebes, ika-24 ng Mayo, 2012, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.


Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, making at makiisa sa Krusada at mag-kumento sa aming Facebook Fanpage! Huwag kalimutang i-“like” ang http://facebook.com/Krusada

Mapapanood ang replay ng Krusada tuwing Sabado, 1:30 ng hapon sa ANC.