ABS-CBN News

XXX: Na-carnap na pangarap

Posted at | Updated as of 06/05/11 1:58 AM

Nobyembre 2009 nang magkainteres si Ferdinand Pineda na pagkakitaan ang kanyang dalawang sasakyan at ipasok ang mga ito sa isang rent-a-car business. 

Tamang tama naman daw na nakilala niya noon ang isang rent-a-car owner na nagngangalang “William”.  Nag-alok raw ito sa kanya na ipasok ang kanyang mga sasakyan para parentahan.

Ferdinand: Nagtanong siya kung pwedeng maka-renta ng unit dahil kinukulang  siya. Naging maganda naman iyong transakyon. Satisfied naman ako sa naging dealings namin.

Dahil naging maganda naman daw ang kanilang naging naunang transaksyon, kaya’t agad na naging panatag ang loob ni Ferdinand sa kanyang bagong business partner na si “William”.

Hanggang isang araw, muli daw lumapit ito sa kanya upang rentahan ang kanyang mga sasakyan.

Diumano, isang grupo daw ng mga turistang Chinese nationals ang nais mag-rent nito sa loob ng limang araw.

Ferdinand: Bale P1,500 kada araw ang renta niya, kaya lalabas na P15,000 lahat. Kaya ayun, pumayag ako agad.

Pero, ang munting hangarin ni Ferdinand na kumita ng kahit paano mula sa kanyang mga sasakyan ay siya palang magdadala sa kanya ng matinding problema.

Dahil sa halip na P15,000 na kita mula sa kanyang mga ipinarentang sasakyan ang matanggap, ay isang masaklap na balita mula kay “William” ang naging kapalit!

Diumano, hindi na raw makontak ang cellphone number ng mga taong nag-rent ng kanyang mga sasakyan.

Ferdinand: Ang sabi ko, kailangan marecover ‘yon. Sabi ko, kundi kakasuhan ko siya, hndi naman pwedeng nawalan ako tapos walang magbabayad.

Bukod sa paghahain ng kaso, January 2010 ay humingi narin daw si Ferdinand ng tulong sa Highway Patrol Group  (HPG) at Land Transportation Office (LTO), upang makakuha ng hold order para sa kanyang mga nawawalang sasakyan.

Kaya naman laking gulat daw niya, nang maitimbre sa ng isang kaibigan, na diumano’y sa iba na nakapangalan ang kanyang nawawalang puting Hi-Ace van na may plakang XGC 141. 

Noo’y naging palaisipan  sa amin kung paanong, sa kabila ng hold order at pagkakaalarma sa LTO, ay nagawa pa ring mailipat sa ibang pangalan ang sasakyan ni Ferdinand. 

Mula sa dokumentong napasakamay ng XXX ay agad naming tinungo ang address na nakalagay sa diumano’y bagong nagmamay-ari ng kanyang sasakyan.

Sa Guadalupe Nuevo sa Makati kung saan kami nagmanman, positibong nakuhanan ng video ang nawawalang sasakyan ni Ferdinand.

Matapos ang kumpirmasyong iyon, sa pakikipagtulungan ng HPG ay muli naming tinungo ang lugar na kinakitaan ng puting van ni Ferdinand.

Kinabukasan, May 13, 2011 naganap ang paghaharap ni Ferdinand at ng bagong may-ari daw ng kanyang sasakyan sa tanggapan ng Highway Patrol Group.

Doo’y nilinaw ng bagong may-ari na “in-good-faith” daw ang pagkakabili niya sa sasakyan, at hindi raw niya alam na nakaw pala ang van nang kanya itong nabili.

Handa rin daw siyang makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng mga awtoridad.

Sa panig naman ni Ferdinand, naniniwala daw siya sa naging salaysay nitong nakabili ng kanyang van.

Samantala, bigo naman kaming makuha ang panig ng Land Transportation Office kaugnay sa kung paano naging posibleng mairehistro ang sasakyan ni Ferdinand sa iba, gayong  naka-alarma nga ito sa kanilang tanggapan.

Sa huli, ipagpapatuloy parin daw ni Ferdinand ang laban, hanggang mapanagot ang sinumang mapapatunayang may sala sa nangyaring ito sa kanya.

Samantala, mangyaring ipagbigay alam sa kinauukulan o sa XXX kung may alam kayong impormasyon tungkol sa isa pa niyang sasakyang nawawala, ang berdeng Isuzu Trooper na may plakang XCF 585.

Para sa inyong impormasyon, sumbong o paghingi ng saklolo, ipagbigay alam sa [email protected] May 16, 2011