Krusada: Lansangan

By Nathalie Blanco, Multimedia Producer, Krusada

Posted at May 09 2012 09:01 AM | Updated as of May 10 2012 02:10 AM

Lubak-lubak at baku-bakong mga kalsada ang sumasalubong sa mga motorista araw-araw. Marami kasi sa mga lansangan sa Pilipinas ay ganito ang kalagayan, lalo na sa mga probinsya.

Lahat ng mamamayan ay apektado ng pangit na kalsada, patungo man sila sa trabaho o paaralan. Gayundin ang mga maliit at malaking negosyante. Kadalasan pa ay nagdudulot din ito ng aksidente.

Ngayon, kabi-kabila ang ginagawang mga kalye sa Metro Manila, maging sa mga karatig-lalawigan. Bilyon-bilyong piso ang nilalaan ng pamahalaan mula sa kaban ng bayan para sa paggawa at pag-ayos ng mga daan.

Susunod sa Krusada, babantayan ni Henry Omaga-Diaz ang paggawa ng mga kalsada ng Department of Public Works and Highways. Sisiyasatin ni Henry kung nababalot nga ba sa anomalya ang mga proyektong tulad nito.

“Ang perang ginamit sa pagpapagawa ng mga kalsada ay hindi galing sa isang pulitiko o sa sinumang nakaupo sa gobyerno. Ito po ay galing sa ating binabayarang buwis. Sa pagtahak ng daang matuwid, mas mabuti na walang lubak o walang bako na babalahaw sa ating kalsada,” ayon kay Henry.

Sundan natin ang paglalakbay ni Henry Omaga Diaz hindi lang sa Maynila kundi hanggang Lucena at San Andres, Quezon, kasama si Alberto Baron o "Tata Bert", na apat na dekada nang ikinabubuhay ang pagmamaneho.

Halos 200 kilometro ang balikang binabagtas araw-araw ni Tata Bert. Nasaksihan niya ang naging estado at mga pagbabago ng lansangan sa kanilang lugar.

Ayon kay Tata Bert, di bale raw ang magtiis habang may inaayos na kalsada, kung pagkatapos naman nito ay giginhawa na ang pagbiyahe. Ngunit sa tinagal-tagal daw niya bilang bus driver, tila hindi na natapos ang kalbaryo. Taun-taon na lang daw ay may inaayos na daan. Bakit kaya?

Nasusuklian nga ba ng gobyerno ang taong-bayan sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga de-kalidad na kalsada? Ano nga ba ang kalagayan ng mga ginagawang lansangan sa ating bansa?

Mapapanood ang Krusada sa Huwebes, ika-10 ng Mayo, 2012, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.

Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, makinig at makiisa sa Krusada at mag-kumento sa aming Facebook fan page. Huwag kalimutang i-“like” ang http://facebook.com/Krusada.

Mapapanood ang replay ng Krusada tuwing Sabado, 1:30 ng hapon sa ANC.