Ako ang Simula: Bayanihan para sa karagatan ng Atimonan

By Nadine Leoncio, Ako ang Simula

Posted at Mar 22 2012 11:42 AM | Updated as of Mar 27 2012 05:19 PM

Pagsagip sa karagatan ang pangunahing layunin ng Samahan ng Maliliit na Mangingisda ng Baltak. Dahil sa illegal fishing, nasisira ang coral reefs na tirahan ng mga isda. At kapag walang isda, wala ring kita ang mga mangingisda sa Brgy. Balubad, Atimonan, Quezon.

Kabilang sa mga mangingisdang umaasa sa yaman ng dagat sina Eduardo Altes Sr. at Godi Romualdo. Ang tangi nilang pangarap ay ang mapagtapos ang kanilang mga anak sa kolehiyo. Ngunit bihira ang mga anak ng mangingisda na nakatutungtong sa kolehiyo dahil sa kaliitan ng kinikita. Unti-unti na kasing nasisira ang pinagkukunan nila ng kabuhayan.

Sinikap ng mga taga-Atimonan na ibalik ang sigla sa ilalim ng dagat sa pamamagitan ng pagtatanim ng artificial coral reefs. Itinayo ni Kagawad Apolinario Layco ang nasabing samahan para manguna sa pagligtas ng kalikasan. Ayon sa mga mangingisda, hindi lang buhay sa dagat ang kanilang pinoprotektahan kundi pati na rin ang buhay ng kani-kanilang pamilya.

Marker showing the location of Atimonan Reef in Quezon

 

Sa ngayon, gusto nilang palawakin ang proyekto at isali ang mga kabataan upang maging volunteers. Marami kasi sa kanilang volunteers ang umalis na sa lugar at ang iba naman ay masyado nang matanda. Nais nilang maturuan ang mga kabataan ng snorkeling para sila rin mismo ay makapagtanim ng artificial coral reefs. Ang kailangan lang ng grupo ay sapat na kagamitan para mas mapagtibay ang nasimulang proyekto.
                
Sa tulong ng Ako ang Simula, marami ang nagmagandang loob at nagbigay ng snorkeling gear sa mga mangingisda. Maipagpapatuloy na ng Samahan ng Maliit na Mangingisda ng Baltak ang kanilang proyekto. Pati ang mga kabataan ay makakasali na sa pagtatanim ng artificial coral reefs. Higit sa lahat, magiging kampante na ulit ang mga mangingisda na may matitira pang magandang kinabukasan para sa kanila.

May sorpresa din na dumating kay Mang Eduardo at Mang Godi--samu’t-saring groceries para sa kanilang pamilya. Dahil sa mga naganap na pagbabago, masaya na ang mga mangingisda sa Brgy. Balubad.