Ako ang simula: Musika at Pangarap ng BANDA KATORSE

by Nadine Leoncio, Multi-Media Producer

Posted at Mar 19 2012 10:48 AM | Updated as of Mar 19 2012 06:48 PM

 “May buhay sa pagtugtog ng musika,” ‘yan ang paniniwala ng BANDA KATORSE, isang 100-taon gulang na banda sa Baliuag, Bulacan. Kung gaano nila kamahal ang musika ay ganoon din nila kamahal ang kanilang mga estudyante.

Naitatag ang Banda Katorse noong August 14, 1914. Ayon kay Virgilio Gonzales ay sinimulan ito ng kanyang mga ninuno.

Layunin ng banda ang makapagbigay ng magandang musika at makapagturo nang libre sa mga bata sa Bulacan. Sa oras na matuto ang bata sa pagbabasa ng nota ay inaalam naman nila kung anong intrumento ang kaya nitong tugtugin. Marami silang nadidiskubre na may talento sa musika. At dahil dito, marami rin silang natutulungan.

Marami nang naging miyembro ng Banda Katorse ang nakapagtapos sa malalaking unibersidad tulad ng UP at UST. Nakakakuha kasi ng scholarship ang kabataan dahil sa angking galing sa pagtugtog ng  instrumento. Ipinagmamalaki ng Banda Katorse ang mga nagtagumpay nilang miyembro na ngayon ay doktor, engineer, dentista, pulis, guro at ang iba ay ginawa nang propesyon ang pagiging musikero.

Hiling ni Mang Virgilio ay madagdagan ang mga instrumento ng banda para mas marami pa ang maturuan. Ang ilan sa instrumento ay nasira na at si Mang Virgilio lang ang matiyagang gumagawa.
Sa kasalukuyan ay mayroong 80 na miyembro ang Banda Katorse. Kaliwa’t-kanan ang imbitasyon para sila ay tumugtog. Ito ang paraan para sila ay kumita at madiskubre ang talento nila.

Gusto rin sana ng Banda Katorse na magkaroon ng isang engrandeng concert kung saan tutugtog ang mga dating miyembro para ang banda ay mas makilala.

Sa tulong ng Baliuag Tourism Office ay isinagawa ang isang benefit concert para sa Banda Katorse. Ginanap ito noong March 10 , 2012 sa Baliuag Glorietta Open Grounds.

Kasama sa concert ang ilang banda tulad ng Shamrock, Malay, The Camerawalls, Dream Carousel, Skabeche, Popoyfield Punks, SOJ, Bertigo, Complicated at naging special guest din ang Kapamilya Star na si JM De Guzman.

Naging matagumpay ang concert. Ang nalikom na donasyon ay gagamitin sa pagbili ng bagong instrumento at uniporme. Nagbigay din si Joel Cruz ng mga instrumento na ikinatuwa naman ng banda.

Nabuhayan ng loob ang mga miyembro ng Banda Katorse na matutupad ang kani-kanilang pangarap sa buhay. Dahil dito ay mas lalo silang magsusumikap na ibahagi ang talento sa mga kabataan na gustong maging musikero.