Saklolo: Miracle boy

By Raymund Dale Nejal

Posted at Feb 21 2013 08:31 PM | Updated as of Feb 22 2013 04:31 AM

Reenactment 

"Sa nakita ko ngang sitwasyon, sino bang magsasabing mabubuhay pa siya…"

Ito ang mga salitang binitiwan ng isang ambulance staff na nakasaksi at nagligtas sa isang anim na taong gulang na bata matapos ito masagasaan ng isang pampasaherong jeep sa Ampid, San Mateo, Rizal.

Duguan, walang malay at nakahandusay sa kalsada ang bata. Ang masaklap pa, walang alam ang magulang sa sinapit ng anak.

Noong araw ng aksidente, nagpaalam si “Sol” sa kanyang nanay na si “Joy” na hindi siya papasok sa eskwela dahil mabigat daw ang pakiramdam ng kanyang katawan. Ngunit hindi naman pumayag si Joy.

Pumasok si Sol, pero bandang tanghalian ay kumulo ang kanyang sikumura at nagpasiya siyang umuwi para gumamit ng banyo.

Maayos na nakarating si Sol sa kanilang bahay. Nang pabalik na ang bata sa eskwelahan, nadatnan siya ng kanyang tagapag-alaga na si “Ate Inday”.

Nagdesisyon si Ate Inday na ihatid ang bata sa eskwelahan ngunit tumanggi si Sol dahil alam niyang mahuhuli na rin siya sa klase. Nagpumilit si Ate Inday sa paghatid kay Sol. Nang bumalik ang tagapag-alaga sa paaralan matapos magbihis, hindi na niya nadatnan doon ang bata.

Pagbaba niya sa jeep matapos ihatid ni Ate Inday, agad na tumawid ang bata ng kalsada at nasagasaan ng isa ring pampasaherong jeep.

Kitang-kita sa kuha ng CCTV camera ng Traffic Enforcement Group ng San Mateo, Rizal nang umilalim ang bata sa jeep habang tuloy pa rin ang pagtakbo nito.

Marami ang nakakita at sumaklolo sa bata. Akala nila, patay na si Sol dahil hindi na ito gumagalaw.

Agad na sumaklolo sa nasagasaang bata ang isang ambulansya at itinakbo sa pinakamalapit na ospital.

Ayon sa ambulance staff, walang malay si Sol ng isakay nila ito sa ambulansya at talagang wala raw mag-aakalang mabubuhay ito. Ngunit noong malapit na ang ambulansya sa ospital, unti-unti raw nagkamalay ang bata at nagsimulang umiyak at hanapin ang nanay.

Nang malaman ni Joy ang nangyari sa anak, agad itong nagpaalam sa trabaho at sumugod sa ospital.

Para sa kanya, pangalawang buhay na ito ng kanyang anak. Nagalit man siya sa sinapit ni Sol, nagpasya sila ng kanyang asawa na hindi na magsampa ng kaso sa driver ng jeep.

Ang operator ng jeep ay nakipag-tulungan sa driver para mabayaran ang mga gastusin sa pag-gamot kay Sol.

Kasalukuyang inihahanda ng Lingkod Kapamilya ang anumang tulong na maibibgay kay Sol at sa kanyang pamilya.

Ngayon, malaki ang pasasalamat ng magulang ni Sol sa sumaklolo sa anak. Ayon kay Joy, ang insidenteng ito ay nagsilbing isang paalala mula sa Diyos sa mga magulang na dapat nilang bigyang pansin ang pamilya kaysa sa ibang bagay sa buhay.

Aired on February 20, 2013