Negosyo mula sa darak

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2016 12:00 PM | Updated as of Jul 26 2017 10:24 AM

Ang pinagbalatan ng palay na tinatawag na darak ay karaniwang hinahalo sa tirang pagkain at ginagawang kaning-baboy. Pero alam niyo bang ang patapong darak, masustansiya at mabuti pala sa katawan? Mayaman ito sa antioxidants, Vitamin E, minerals at pwedeng pangpakinis! Ito ang nadiskubre ni She Quintana. Ang kanyang mga tindang pampaganda, gawa sa darak!

Matagumpay na ang buhay ngayon ni She Quintana, pero nanggaling siya sa kalugmukan. Dahil parehong OFW ang kanyang mga magulang, naranasan ni She ang lungkot na lumaking mag-isa. Kaya naman ng magkapamilya, ipinangako niya sa sarili na hindi siya mawawalay sa mga anak niya.

Tapos ng kursong Sociology si She. Matapos grumaduate, nagtrabaho siya bilang community worker sa Mindanao kung saan siya tumira kasama ng mga katutubong tribo. Sa pagtira sa bundok, napalapit si She sa mga katutubo, pati na rin sa kalikasan. Na-obserbahan niya ang pagtatanim ng mga ito, at naranasan ang payak na pamumuhay.

Nang magresign bilang community worker, inisip niyang magfocus sa pagiging ina habang nagnenegosyo. Nagsimulang gumawa ng mga kandila at beauty products si She, katulong ang asawa. Pero 10 taon na ang lumipas, hindi pa rin sila umaasenso.

Isa itong impluwensiya sa kanyang interes sa Darak. Naisipan ni She na idagdag ang Darak Oil sa mga produkto niya gaya ng sabon at shampoo. At talaga namang pumatok ang mga ito!

Mula sa simpleng pagawaan sa kusina, world-class na ang mga produkto ni She: ang Oryspa! Mula ito sa scientific name ng bigas na Oryza Sativa, ang produktong nagpayaman sa kanya. Sa kasalukuyan, mayroon na silang 23 branches at umaabot na rin ang kanilang mga produkto sa Singapore.

Higit 50 products na ang kanilang ine-export. Ilan sa mga ito ay ang mga liniment/painkiller, pabango, sabon, shampoo at body scrub! Patok rin ang kanilang mga kakaibang produkto gaya ng Champorado Scrub at Wasabi Body Butter.

Abangan sa Martes, Enero 26, pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN at 9:30 PM naman sa DZMM Teleradyo ang kwento ni She Quintana. Para sa updates, pumunta lamang sa www.facebook.com/MyPuhunan