Saklolo: Cariño brutal

By Nadine Leoncio, Multimedia Producer, Saklolo (Pinoy True Stories)

Posted at Feb 14 2013 01:11 PM | Updated as of Feb 15 2013 01:48 AM

Paano mabubuhay ang isang babae na nakaranas ng matinding pang-aabuso sa kamay ng isang lalaking minsan ay kanyang minahal?

Para kay “Marites”, 18-taong gulang, isang bangungot ang sinapit niya sa kamay ng dating karelasyon. Ang masaklap pa dito, pitong buwan siyang nagdadalang tao noong naganap ang insidenteng hinding-hindi niya malilimutan.

Nakilala ni Marites si "Alex" nang magtrabaho siya bilang Clerk sa kanilang barangay sa Pandi, Bulacan. Desk Officer si Alex.

Nahulog ang loob ng dalaga sa kabaitan ni Alex, kahit na ito ay may pamilya na. Nagkaroon ng relasyon ang dalawa.

Noong una ay maalaga ang 37-taong gulang na lalaki kay Marites. Pero unti-unti, naging mahigpit ito sa kanya. Hindi makakalas si Marites dahil nangibabaw ang takot niya sa mga pagbabanta ni Alex.

Hindi nagtagal, nabuntis si Marites.

Kwento ni Marites, masaya si Alex nang malaman na buntis siya. Ngunit itinago niya ang kanyang kalagayan sa mga magulang dahil sa takot na baka hindi nila ito matanggap. Nagpasiya si Marites na makitira sa kapatid niya sa Quezon City.

Sa ika-limang buwan na pagbubuntis ni Marites, dinalaw siya ni Alex. Pinilit siya nitong uminom ng gamot na pamparegla, na maaaring magdulot ng pagkalaglag ng sanggol. Mula noon, hindi na muling nakipagkita ang dalaga kay Alex. Sa kabutihang palad ay walang masamang nangyari sa bata.

Desidido na si Marites na tuluyang layuan si Alex. Nagpupumilit itong makipagkita ngunit hindi sumasagot si Marites sa kanyang mga mensahe. Isang araw, nagulat siya nang dalawin ng dating kasintahan. Noong una’y nilalambing pa siya. Pero nang tumanggi si Marites na makipag-siping sa kanya, sinumulan siyang bugbugin nito.

Pinalo ni Alex si Marites gamit ang isang martilyo. Matapos nito ay sinakal, sinipa-sipa at kinaladkad niya ang karelasyon sa banyo.

Hindi pa ito nakuntento at sinunog ng plantsa ang maseselang bahagi ng katawan ng dalaga. Hindi na makagalaw si Marites. Bago umalis si Alex ay binuhusan pa niya ng gaas ang buntis na nakahandusay sa sahig.

Nasunog ang loob ng bahay ng kapatid ni Marites. Sa tulong ng isang kapitbahay ay nailigtas ang walang malay na buntis, at naisugod sa ospital.

Kasalukuyang nagpapagaling sa East Avenue Medical Center si Marites. Ligtas na ang bata sa kanyang tiyan. Nagulat man ang kanyang mga magulang sa sinapit ni Marites, naroon sila pala alagaan ang anak.

Inaresto ng mga pulis si Alex, at kinasuhan ng Frustrated Murder. Tinutulungan ng Public Attorney’s Office si Marites para masiguro ang pag-usad ng kaso. Nakapagpiyansa naman ang suspek na si Alex.

Sa ngayon, nagpapasalamat si Marites na buhay pa sila ng kanyang anak. Pagkasilang nito ay papangalanan niya itong "Miracle".

Aired on February 13, 2013