Saklolo: Batang may cerebral palsy

By Nadine Leoncio, Multimedia Producer, Saklolo (Pinoy True Stories)

Posted at Jan 04 2013 06:12 PM | Updated as of Jan 05 2013 02:12 AM

Ang mga bata ang pinakamasaya tuwing Kapaskuhan. Mas madalas ang kanilang pamamasyal at umaapaw ang Aguinaldo na natatanggap. Pero paano na lang ang Pasko ng isang batang nakitang nag-iisa sa basurahan?

Walang tigil na iyak ng bata ang nakatawag ng pansin ni “Priscilla Santos”, isang basurera. Hinanap niya ang pinanggalingan ng tunog at nagulat sa kanyang nakita--may batang babae na nasa isang basurahan.

Agad na dinala ni Priscilla ang bata sa Barangay Tambo, Coastal Road, Paranaque. Matapos kunin ang salaysay ni Priscilla, isang grupo ng tanod ang nagpunta kung saan napulot ang bata. Ngunit sa pagkatapos nila magtanong-tanong ay hindi pa rin sila nakakita ng nakakakilala sa bata.

Pansamantalang inilagay sa pangangalaga ng Women’s Desk ng kanilang barangay ang bata. Pinangalanan nila siyang “Mikay”.

Sa hula ng mga tanod ay tatlong taong gulang na si Mikay, at lubos nila itong inalagaan. Pero hindi nila inaasahan na may kalagayan ang bata. Madalas kasing naninigas ang kanyang paa at tumitirik ang mata tuwing umiiyak.

Ipinatingin nila si Mikay sa Municipal Community Hospital. Ang batang payat, hindi nakakapagsalita at nakakalakad ay nadiskubre na may cerebral palsy. At kapag hindi raw nabigyan ng sapat na atensyong medikal ang kundisyon ni Mikay, maaari niya itong ikamatay.

Patuloy ang pagsusumikap ng mga taga-Brgy. Tambo para mahanap ang mga magulang ni Mikay. Nanawagan sila sa radyo at telebisyon pero wala pa ring nagpakita na kamag-anak. Napamahal na sa barangay si Mikay pero
para siya ay mas maalagaan, inilipat siya sa isang bahay ampunan sa Tayuman. Dito ay mas matututukan ang kanyang mga pangangailangang medikal.

Patuloy na umaasa ang Brgy. Tambo na darating rin ang tunay na nanay ni Mikay. At ngayong Pasko, lalong nadagdagan ang nagmamahal sa batang naulila.

Ang mga nagmamagandang-loob na mga sumusporta sa "Saklolo" ay nagpaabot ng gatas at mga diaper hindi lang kay Mikay kundi pati sa mga bata sa bahay ampunan.

Kahit hindi nakakapagsalita, kitang-kita sa mga mata ni Mikay ang kanyang pasasalamat sa mga taong itinuring siyang parang tunay na anak.

Aired on December 26, 2012