Piloto ng US Navy, ikinuwento ang 'engkuwentro' sa UFO noong 2004

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 03:57 PM

Tunay bang may mga nilalang na nabubuhay sa ibang planeta?

Muling umugong ang usapin hinggil sa mga alien at unidentified flying objects (UFO) matapos aminin ng Department of Defense (DOD) ng Amerika na pinondohan ng gobyerno ang programang may layong pag-aralan ang tinatawag nitong “anomalous aerospace threats.”

Tinawag ang programang Advanced Aerospace Threat Identification Program na nag-iimbestiga umano ng mga ulat ng mga UFO, ayon sa mga opisyal ng DOD na nakapanayam ng pahayagang New York Times.

Ang mga UFO ay bagay na namataang lumilipad subalit hindi matukoy kung ano. Pinaniniwalaan ring lulan ng mga ito ang mga alien o nilalang mula sa ibang planeta.

Dati'y iniiwasan pa ng DOD, o mas kilala sa katawagang "The Pentagon," na banggitin ang programa. Sinabi rin nilang itinigil na ito noong taong 2012.

Kasama sa mga pinag-aralan at inimbestigahan sa programa ang videos ng mga umano'y hinihinalang UFO.

Isinapubliko rin ng Pentagon kamakailan ang video ng isa umanong engkuwentro ng dalawang Navy fighter jets sa isang UFO malapit sa may baybayin ng San Diego, California noong Nobyembre 2004.

Kita sa video ang isang bagay na maitutulad sa eroplano na tila balot ng liwanag.

Maririnig sa video ang mga pilotong pilit na binibigyang kahulugang kanilang nakikita.

Anila, umiikot din ang bagay habang bumibiyahe.

Sa panayam kay Commander David Fravor, isa sa mga piloto, ikinuwento nitong tinangka niyang lapitan ang lumilipad na bagay.

Tumaas din umano ang lipad ng bagay at tila lumalapit din sa kaniya subalit bigla umano itong lumayo at nawala.

Pinagtawanan lang si Fravor ng kaniyang mga kasamahan nang ikuwento niya ang karanasan.

Ayon kay Harry Reid, isang senador na sinuportahan ang programa, hindi pa rin nila natutukoy kung saan nagmula ang hinihinalang UFO

Pero, ani Reid, maigi umanong simulan ang pag-aaral sa mga ito.

-- Isinalim mula sa mga ulat ng New York Times at Washington Post.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.