'Binyag' para sa mga alagang hayop sa Japan, nauuso

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 09:43 PM

Nakaugalian na sa bansang Japan ang pagdadala sa mga batang tumutungtong sa edad na 3, 5 at 7 taon na tumungo sa Ichigaya Kamegaoka Hachimangu shrine upang magpabasbas.

Pinaniniwalaan nilang ang pagbibigay pugay sa mga panginoon doon ay magreresulta sa saganang kinabukasan at mabuting kalusugan.

Pero tila nag-iba na ang ihip ng panahon.

Dahil mas marami na ang bilang ng mga alagang hayop sa Japan kumpara sa dami ng bata, nagiging patok na rin ang pagbabasbas sa mga aso at pusa sa nasabing shrine. 

Sa datos ng Japan Pet Food Association, may 20 milyong aso't pusa sa Japan na naitala noong 2016, kumpara sa 15 milyong bata ayon naman sa pinakahuling sensus ng pamahalaan.

Nagsimulang gawin sa mga hayop ang tradisyunal na "Shichi-Go-San" o "Seven-Five-Three" blessings 8 taon na ang nakakaraan.

Handang-handang maglabas ng di bababa sa 5,000 yen (o higit P2,200) ang mga may-ari ng alagang hayop para lang mabasbasan ito ng pari.

Isa na rito ang designer na si Miki Takebe na pinabasbasan si Noa, ang kaniyang alagang itim na poodle, nang ito'y nag-3 taong gulang.

Ayon naman kay Masaki Kaji, isang pari sa Ichigaya Kamegaoka Hachimangu, nagsimula ang kaunting pagpapabasbas sa hayop noong 2009 ngunit lumobo na ito sa 400 ngayong taon.

Maging ang mga gumagawa ng kimono para sa aso't pusa, sinabing buhay na buhay ang kanilang negosyo.

Sumasalamin ito sa lumalagong industriya sa Japan na layong magbigay serbisyo sa mga taong itinuturing na ring kapamilya ang kanilang mga alagang hayop.

Sa katunayan, mula sa 7,841 yen (P3,500) noong 2015, tumaas sa 8,136 yen ang buwanang gastos ng mga taga-Japan sa kanilang alagang aso nitong 2016.

Samantalang tumaas naman sa 5,435 yen (P2,400) ang buwanang gastos ng mga taga-Japan sa pusa, kumpara sa 5,087 yen noong 2015.

Nanggaling ang parehong datos mula sa Japan Pet Food Association.

--Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.