Umbok ng lupa sa ilog, pinagtatakhan maging ng Phivolcs

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 08:53 PM

Magkahalong pagkamangha at pangamba ang naramdaman ng mga residente ng San Enrique, Negros Occidental nang umangat ang lupa mula sa isang bahagi ng Candaguit River.

Ipinagtataka ng mga awtoridad ang sanhi ng pag-umbok ng lupa sa isang bahagi ng Candaguit River sa San Enrique, Negros Occidental.

Ito'y matapos matuklasan noong Nobyembre 27 ng mga residente na tumaas ang lupang dating nakalubog sa ilalim ng tubig.

Nasa 10 hanggang 15 metro ang haba, tatlo hanggang apat na metro ang lawak, at isa hanggang 1.5 metro ang taas ng nakaangat na lupa.

Sa pagsisiyasat ng sangay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa rehiyon noong Sabado, Disyembre 2, maituturing umano ang umumbok na lupa bilang isang "sand boil," na karaniwang epekto ng lindol.

Pero nagtataka ang Phivolcs dahil wala namang lindol na naitala sa lugar kamakailan.

Posibleng may pumping activity sa lugar kaya lumuwag ang lupa.

Magpapadala rin ng mga tauhan ang Phivolcs mula sa national office nito, at Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources para magsagawa ng imbestigasyon.

Kinordonan ng lokal na pamahalaan ang bahagi ng ilog.

Una nang pinatingnan ni San Enrique Mayor Jilson Tubillara kung may pagbabago ba sa temperatura ng ilog o bakas ng asure pero walang lumabas sa kanilang imbestigasyon.

-- Ulat ni Barbara Mijares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.