TINGNAN: Purong honey na kulay berde, asul, pula

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 08:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dilaw o golden yellow ang nakasanayang kulay ng honey mula sa karaniwang pulut bubuyog o honey bee.

Pero lingid sa kaalaman ng marami, mayroon ding ibang kulay ng honey na mula naman sa iba pang species ng bubuyog.

Si Judel Santos, nagsimula ang hilig sa pangongolekta ng pulut nang may magbenta sa kaniya ng green honey. 

Bukod sa green honey, mayroon ding white clover, pula, itim, asul, blue green, at berdeng pulut na ibinida sa Soccsksargen.

Bagaman iba ang kulay, purong honey ito at walang inihalong pampakulay. 

May ilang simpleng paraan upang mapatunayan ito gaya ng pagpatak ng pulot sa kuko: kapag hindi dumulas, ito ay puro. Ganoon din ang pagbuhos sa papel at paggamit ng apoy.

Pero para tuldukan ang agam-agam na peke ang honey na iba’t ibang kulay, ginalugad ni Santos ang kabundukan ng Compostela Valley kasama ang kaniyang hunter para mahanap ang pinamumugaran ng mga buligan, ang species ng bubuyog na gumagawa ng green honey.

Bago pa man kumagat ang dilim, naghanda na ang kaniyang grupo at nagpausok sila para mataboy ang mga buligan.

Makalipas ang ilang sandali, nakita na nila ang berdeng honey.

Nasa apat na buwan pa lang umano ang pulut-pukyutan na kanilang nahukay pero litaw na litaw na ang berde nitong kulay.

Mailap hanapin ang mga buligan dahil sa ilalim ng lupa ito naninirahan. Madalas nitong kainin ang algae o lumot.

Samantala, umaabot naman sa higit 50 talampakan ang inaakyat ng honey hunters para makakuha ng pinakamahal na kulay ng pulot--ang blue honey.

Karaniwang ginagamit ang honey dahil sa natural nitong tamis at may taglay din itong mga nutrisyon na mainam para sa kalusugan ng tao. 

Mabenta rin ito dahil sinasabing nakagagaling ito ng iba’t ibang sakit gaya ng sipon at ubo. 

Ayon sa mga eksperto, may taglay na bitamina at mineral na makatutulong sa katawan ang honey. 

-- Ulat ni Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.