Ipina-tiles na bangketa sa Puerto Princesa, ipinapabakbak

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 11:47 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Ipinapabakbak na ng Puerto Princesa City Public Order and Safety Office ang ipinalagay na tiles sa bangketa ng isang residente sa Pineda Road, Barangay San Pedro matapos ang sumbong ng ilang residente.

Makikipag-ugnayan na ang opisina sa barangay para ipag-utos sa residenteng nagpa-tiles sa lugar na ibalik na ang sidewalk sa dating porma.

Kung hindi raw ito susunod sa utos ng barangay, ang Puerto Princesa City Engineering na mismo ang magtatanggal sa mga ikinabit na tiles.

Ayon kay Boy Diaz, walang problema sa kanya kung kailangang ipatanggal ang ipinalagay niyang tiles.

"Walang problema kung kailangang baklasin, eh 'di baklasin. Ang akin lang para maganda ang daanan ng tao," aniya.

Paalala naman ng City Public Order and Safety Office, walang sinuman ang maaring humarang o umangkin sa sidewalk para sa sariling interes dahil ito ay pag-aari ng pamahalaan.

Napag-alaman rin na ang residenteng nagpa-tiles ng bangketa ang siya ring may-ari ng hilera ng mga bar sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.