TINGNAN: Ataul na may elisi; puntod na hugis helicopter, gitara, alak

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 11:56 PM

Kung iniiwasan ng ilan ang usaping kamatayan, maaga namang nagpagawa ng kabaong ang mag-asawang lolo at lola sa Iligan City. 

Sa nakalipas ng 17 taon, naka-display sa bahay ng 82 anyos na si Flora Tapic ang kabaong niyang mala-eroplanong may elisi pa.

Pinagawa niya ito para bumagay sa bundok na hiniling niyang maging huling himlayan.

Nagpa-picture na na rin siya dati sa loob ng kabaong para makita ang sarili sakaling pumanaw na siya.

Pero ayaw na niya ngayong gamitin sa kaniyang labi ang kabaong at sinabing kapag dumating ang panahon, ilagay na lang sa ibabaw ng puntod ang kabaong para makita pa ng iba.

Nagpagawa rin ng kabaong ang kaniyang asawang si Luciano bilang paghahanda na rin daw sa oras na siya'y pumanaw.

Kakaibang puntod

Agaw-pansin naman ang iba-ibang disenyo ng mga puntod sa Tabuk, Kalinga.

Mayroong hugis gitara, ibon, van, helicopter, pati bote ng alak, ayon na rin sa nakahiligan ng mga roo'y nakahimlay.
 
Naging paraan na rin ito ng mga naulila para patuloy na masariwa ang mga kinahiligan ng mga kaanak noong sila'y nabubuhay pa.

Sa Paoay, Ilocos Norte naman, matatagpuan ang mga sementeryo noong panahon ng mga Kastila.

Gawa ang mga puntod sa ladrilyo at apog, may mga palamuti ring kopita, at wikang Kastila ang nakaukit sa mga lapida.

Bukod sa mga puntod noong panahon ng mga Kastila, naroon din ang mga puntod noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

-- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.