Undas, 'pinatamis' ng isang baker sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 04:02 PM

Kadalasan nang sumasagi sa imahinasyon ng tao ang mga nakakatakot na eksena tuwing Undas, ngunit ang isang baker sa San Mateo, Isabela ay may kakaiba at matamis na ideya para dito.

Nakakadiri sa unang tingin, pero ang kaniyang inihahaing "utak" ay isa palang cake.

Likha ito ng baker na si Shai Ann Bumagat.

Sa likot ng imahinasyon, nakagawa rin siya ng cake na hugis dambuhalang eye ball, na isa sa mga obra niya pang-halloween.

Ayon kay Bumagat, sari-saring disenyo ang mabubuo kapag bukas ang isip sa anumang bagay na nakikita sa paligid.

"Kunwari pag naglalakbay lang ako, may nakita akong bulaklak, ayun, nagiging inspiration na siya ng cake ko," ani Bumagat

Ang imahinasyon na ito ang nagtulak sa kaniya na gawing "matamis" ang Undas, imbes na nakakatakot.
    
Swak ang ideyang ito lalo pa't nauuso na rin ang halloween party sa mga bata.

Sa unang tingin, parang kumplikado ang pagkakagawa, pero ayon kay Bumagat, kayang kaya itong gawin kahit ng bata.

"Masaya po siya, kasi yun nga nakakatanggal siya ng stress and at the same time, pwede mo pa siyang pagkakitaang negosyo."

Dagdag pa ni Bumagat, kapag hinaluan ng pagmamahal ang anumang ginagawa, kusang lumalabas ang tamis at galing.

--Ulat ni Annie Pasion, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.