SILIPIN: Abandonadong ospital sa Pampanga, minumulto nga ba?

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 09:01 PM

Sariwa pa sa alala ng 91 anyos na si Ceferina Yepez ang kamangha-manghang ganda ng estruktura at pasilidad ng isang ospital sa Clark Air Base sa Pampanga.

Kilala ito bilang Fort Stotsenburg Hospital noong dekada '60.

"It's so well-constructed, you know that it's a modern medical facility," ani Yepez.

Sa ospital na ito dinadala ang mga sugatang sundalo noong kasagsagan ng Vietnam War.

Pero inabandona ito ng mga sundalong Amerikano at tuluyang pinabayaan noong 1991 matapos pumutok ang bulkang Pinatubo.

Matapos ang 26 taon, kilala na bilang isa sa mga pinakakinatatakutang lugar ang dating tanyag na pagamutan.

Saksi sa mga kababalaghang nangyayari sa ospital si Jogen Masdo, isang security guard na mahigit isang taon nang nagbabantay sa napaglipasang pasilidad.

Kuwento ni Masdo, mayroong mga nagpapakita sa kaniya at may mga kakaibang kabanguhan siyang naamoy kahit wala namang ibang tao.

Sinadya ng ABS-CBN News ang lugar kasama ang isang paranormal expert para matukoy kung sino ang namamahay sa limang palapag na abandonadong gusali.

Silungan ng mga maligno, elemento at kaluluwang hindi pa makatawid sa kabilang buhay ang ospital.

Paalala ng paranormal expert, sa halip na gambalain ang lugar, mas maiging ipagdasal ang mga kaluluwang ligaw. -- Ulat ni Noli De Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.