Kaso ng 'stigmata'? Italyana nagpapawis ng dugo

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 09:22 AM

Tabernakelbildstock in Taisten. Christus am Ölberg. Wolfgang Sauber

Bago lumapit sa mga doktor, 3 taong tiniis ng isang 21 anyos na Italyana ang hindi niya maipaliwanag na maya't mayang pagpapawis ng dugo -- minsan sa kanyang mukha, minsan naman sa kanyang mga palad. 

Sa ulat ng "The Guardian," nabanggit na kadalasan siyang nagpapawis ng dugo bago matulog o habang nasa gitna ng pisikal na aktibidad, at magtatagal ito ng 1 hanggang 5 minuto. Mas matensiyon ang sitwasyon, mas matindi aniya ang pagdurugo. 

Pagpapawis ng dugo ng isang 21 taong gulang na babae sa Italya. Imahen mula sa Canadian Medical Association Journal.

Dalawang physician sa Unibersidad ng Florence ang nakapagtala ng kasong ito na inilimbag sa pinakabagong isyu ng Canadian Medical Association Journal. Kahit sila, hirap itong maipaliwanag, lalo't walang sugat o pantal ang Italyana kapag nagpapawis ng dugo.

Tatlong taon itong itinago ng Italyana dahil sa hiya, ayon sa mga doktor na sina Roberto Maglie and Marzia Caproni. Anila, naging "socially isolated" ang pasyente, at nagkaroon pa ng depresyon at "panic disorder" dahil sa kanyang kondisyon.

Hindi agad naniwala ang mga doktor pero matapos ang serye ng mga pagsusuri, kanilang natuklasang hindi peke ang kondisyon na "hematohidrosis," ang biglaang pagpapawis ng dugo kahit walang sugat ang balat.

Paliwanag ng mga doktor, bihira itong iulat ng mga pasyente pero may iilang ganito nang naitalang kaso noon. Sinubukan nilang painumin ang pasyente ng gamot na pang-maintenance sa blood pressure. Nabawasan ang pagdurugo pero hindi ito nawala. 

Bagama't nagduda rin noong una, sinuhayan naman ni Jaclyn Duffin, isang medical historian sa Canada, ang nadiskubre ng mga doktor sa Florence. Dalawang dosenang parehong kaso na aniya ang naitatala sa nakalipas na 15 taon.

Sa kanyang saliksik, napag-alaman ni Duffin na posible ngang may dugo sa daluyan ng pawis sa balat ng tao. "I came to the conclusion that it’s plausible and that it’s possible," ani Duffin, na isa ring haematologist o eksperto sa pag-aaral sa dugo.

Paliwanag niya, karamihan sa mga may hematohidrosis ay babae o bata. Marami rin sa mga kasong ito ay kasunod ng "emotional trauma," gaya ng pagiging saksi sa mga bayolenteng insidente sa bahay at paaralan. 

Wala pang nakakaalam sa sanhi ng kondisyong ito at wala pa rin itong gamot. May mga teyorya ang ilang medical practicioner na sanhi ito ng pagsabog ng maliliit na ugat sa ilalim ng balat. 

Palagay ni Duffin, kaya kakaunti ang nag-uulat nito sa mga doktor ay dahil itinuturing ito noong "stigmata" o pagkakaroon ng mga di maipaliwanag na sugat na katulad ng sugat ni Hesukristo. 

Umaasa si Duffin na sa paglilimbag ng medical journal sa kaso ng 21 anyos na Italyana ay mabibigyang liwanag ang kondisyon na ito.