Aso, tinanggihan ang pagiging CIA agent

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 01:48 PM

Isang asong Labrador ang tila hindi interesadong maging parte ng isa sa pinaka-prestihiyosong ahensya sa buong mundo, ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos.

Ayon sa CIA, sumailalim ang asong si Lulu sa CIA bomb-sniffing course ngunit tila hindi ito nagagalak sa lahat ng kaakibat na "perks" o benepisyo ng naturang trabaho. 

Matapos kasi ang ilang linggo, hindi pa rin nagpapakita si Lulu ng anumang pagbabago kahit pa laruin at bigyan ng pagkain. 

"We’re sad to announce that a few weeks into training, Lulu began to show signs that she wasn’t interested in detecting explosive odors," anila. 

Kaya naman si Lulu, binagsak ang nasabing kurso.

Ayon pa sa CIA, pangunahing inaalala nila ay ang pisikal at mental na kalusugan ng mga K9.

"Our trainers’ top concern is physical & mental well-being of K9s.
They made difficult decision & did what’s best for Lulu: stop her training." 

Bilang tradisyon, ang mga "dropout" na aso sa nasabing programa ay maaaring ampunin ng kanilang tagapangalaga. 

Hindi man siya naging matagumpay sa pag-amoy ng bomba, si Lulu ay masaya na sa bagong tahanan, kasama ang mga anak at isa pang aso ng kaniyang tagapangalaga.

"Lulu was adopted by her handler and now enjoys her days playing with his kids and a new friend, and sniffing out rabbits and squirrels in the backyard," malugod na balita ng CIA. 

--Mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.