LAKAS TAMA? Lasing nagbanta ng pagsalakay ng aliens

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 05:14 PM | Updated as of Oct 07 2017 05:41 PM


Manlalakbay mula sa "future" o nasobrahan sa alak? 

Kakaibang babala ang dala ng isang lasing na nagpakilalang "time traveler" umano matapos mahuli ng pulisya sa Wyoming, United States kamakailan.

Sa ulat ng Huffington Post, ibinalita ni Bryant Johnson sa Casper Police ang dala niyang "mensahe" mula sa future: ang pagsalakay umano ng aliens sa susunod na taon.

Aniya, kailangan nang lumikas bago ang pag-atake. 

Ayon sa pulisya, amoy alak at hindi na maintindihan ang salita ng lasing na si Johnson na nagsabing galing siya sa taong 2048.

Paliwanag niya sa mga pulis, nagawa niyang makabiyahe mula sa future dahil pinuno ng aliens ng alak ang kaniyang katawan. 

Tumayo umano siya sa isang "giant pad" na nagdala sa kaniya sa kasalukuyang taon, sa halip na 2018 na plano niya sanang puntahan.

Sa ulat, tumangging makipag-usap sa mga doktor at nars si Johnson at sa halip ay nais na hagilapin ang "presidente" ng Casper City.

Si Bryant ay nakitaan ng blood alcohol content na .136 sa katawan, isang mataas na antas ng kalasingan. Hinuli siya ng pulis dahil sa public intoxication.

Sa halip na mag-back to the future, ibiniyahe siya ng pulisya sa Natrona Country Detention Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.