Dating app para sa dagdag-nobya

Zahra Matarani, Reuters

Posted at Oct 02 2017 04:40 PM

Reuters/Beawiharta/Illustration

Patok ngayon sa Indonesia ang isang dating app para sa mga lalaking naghahanap ng karagdagang asawa.

Nilikha ng app developer na si Lindu Pranayama ang "AyoPoligami" para sa mga lalalaking nais makahanap ng isa hanggang tatlo pang misis.

Kuwento ni Pranayama, napapansin niya dating maraming kasal na lalaki ang naghahanap ng isa pang asawa subalit kakaunti lamang ang mga online na website na tumutugon dito.

Legal sa Indonesia ang polygamy o pagkakaroon ng higit sa isang asawa dahil sa laki ng populasyon nitong nananampalataya sa relihiyong Islam.

Maaaring kumuha ng hanggang 4 na asawa ang isang lalaki sa Indonesia kung pahihintulutan ng korte at unang asawa.

Subalit hindi ito naging hadlang upang maka-iwas sa kontrobersiya ang app, na unang inilabas noong Abril.

Mahigit 10,000 beses nang na-download ang app ngunit tumigil na ito sa pagtanggap ng bagong miyembro dahil sa kaso ng mga pekeng account at paggamit ng mga lalaki nang hindi nagpapaalam sa kanilang mga asawa.

Palitan ng payo

Ibinahagi ni Iyus Yusuf Fasyiya, isang 37 anyos na manggagawa sa pabrika, na ginagamit niya ang app upang magbahagi ng payo sa mga nais pumasok sa "polygamous" na pagsasama.

Unang ikinasal si Fasyiya noong 2000 at kumuha siya ng pangalawang maybahay makalipas ang anim na taon.

Ayon kay Pranayama, mas malaki ang bilang ng mga lalaking gumagamit ng "AyoPoligami" subalit may 4,000 babae ang naitalang rehistrado sa app.

Iginiit naman ni Rachmat Dwi Putranto, isang abogadong humahawak ng mga kasong may kinalaman sa buhay may asawa, na hindi madaling pumasok sa isang polygamous na pagsasama.

Pinahihintulutan lamang ng mga korte sa Indonesia ang pagdaragdag ng asawa kung may kapansanan o baog ang unang asawa.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng Women's Empowerment and Child Protection Ministry ng Indonesia na maaaring pumasok sa polygamous na pagsasama basta hindi napapahamak ang babaeng asawa at mga anak.

Nais ipakita ni Fasyiya, kasama ang kaniyang dalawang misis, na posible ang maayos na polygamous na pagsasama.-- Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.