Lumilipad na taxi, nagpakitang gilas sa Dubai

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2017 03:47 PM

Nakatingala ang ilang Arabo sa lumilipad na taxi sa Dubai, United Arab Emirates. Satish Kumar, Reuters

Nais ng Dubai na manguna sa paglikha ng isang lumilipad na taxi.

Ipinasilip ng Dubai noong Setyembre 25, ang paglipad ng kauna-unahang drone taxi na binuo ng Volocopter, isang kumpanyang gumagawa ng mga drone sa Germany.

Parang helicopter ang cabin nito na mayroong dalawang upuan, pero walang sakay ang drone taxi noong pinalipad ito.

Tatakbo ang drone taxi kahit walang remote control at aabot sa 30 minuto ang tagal ng paglipad nito.

Ayon sa Volocopter, ligtas ito para sa mga pasahero dahil may kargang ekstrang baterya at parachute ang drone taxi.

Dumalo sa okasyon si Sheikh Hamdan bin Mohammed, ang crown prince ng Dubai.

Bukod sa Volocopter, mayroon pang ibang kompanya mula Europa at Amerika na gustong gumawa ng lumilipad na pampublikong sasakyan.

Kabilang rito ang Airbus, Kitty Hawk at Uber.

-- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.