13-anyos na 'expert' akyat-bahay, gusto maging pulis

Junrey Nadela, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 05:50 PM

CEBU CITY - Isang 13-anyos na akyat bahay ang "na-rescue" ng mga pulis matapos itong maaktuhan na nagnanakaw sa isang bahay dito sa lungsod Huwebes ng gabi, 

Pamilyar na sa mga pulis ang batang itinago sa pangalang "Boy," dahil ilang beses na itong nadampot ng mga awtoridad mula sa Women and Children Protection Desk.

Ayon kay Boy, pansamantala siyang naninirahan sa kanyang lola matapos siya umano'y pilitin ng ina na pasukin ang pagnanakaw simula noong 9-anyos pa lamang siya.

Kwento ng bata, mag-isa niyang inaakyat ang mga bahay na pagnanakawan niya upang mangulimbat ng mga mamahaling gamit na madaling maipuslit.

"Mga alahas ang malimit na ninanakaw ko... sabi kasi ni mama na magnakaw ako para magka-pera. 'Yun din kasi ang ginagawa niya," saad ni Boy.

Ang ama at ina ni Boy ay parehong nakakulong sa sala rin ng pagnanakaw.

Ipinakita pa ni Boy sa mga reporter ang kanyang kahusayan sa pagbukas ng mga kandado na may number combination. 

Sa loob ng isang minuto ay nabuksan niya kaagad ang iba't ibang padlock na de numero.

Saad ng bata, natutunan na rin niya kung paano mapapaamo ang mga asong bantay ng mga bahay para hindi siya tahulan nito.

Inamin din ni Boy na maliban sa pag-akyat sa mga bahay, may bisyo din siya gaya ng paninigarilyo at paggamit ng rugby.

Ayon kay Senior Supt. Joel Doria, direktor ng Cebu City Police Office, nakipag-ugnayan na siya kay Cebu City Councilor Margot Osmena para matulungan ang bata. 

Gusto nilang humanap ng social worker na tututok kay Boy para tulungan siyang magbago at huwag nang bumalik pa sa lansangan.

"We will provide Boy with a home. And people who will help him to grow as a good person," ayon kay Doria.

Masaya naman si Boy na may tutulong sa kanya na magbago. 

Gusto niya daw na bumalik sa pag-aaral sa grade 1 at maging pulis sa hinaharap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.