Mahabang balbas, ipinagbawal ng isang cycling team sa Belgium

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 01:16 PM | Updated as of Sep 27 2017 07:08 PM

Ipinagbawal ng Sport Vlaanderen, isang sports agency sa Belgium, ang pagkakaroon ng mahahabang balbas ng mga atleta nitong cyclist o namimisikleta para sa "estetika" o pang-itsurang layunin.

Ito'y ayon sa mga pahayag ng direktor ng koponan sa Belga news agency noong Martes, Setyembre 26.

Ayon kay Walter Planckaert, ipinatupad ang tuntunin upang mapanatili ang "elegance" o kakisigan ng larong cycling o pamimisikleta.

Hindi umano malinis tingnan sa isang siklista ang pagkakaroon ng mahabang balbas na kinakapitan ng kulangot, uhog o maliliit na tirang pagkain.

Pinayagan naman ang mga bigoteng maninipis para sa mga manlalaro mula sa second-tier professional continental team.

Inabisuhan ni Planckaert ang mga ayaw sumunod sa bagong patakaran na lumipat na lang sa ibang sports team.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.