Lalaki, nahulihan ng 1 kilong ginto sa puwitan

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 07:07 PM

Ipinakita ng Sri Lanka Customs Office ang halos 1 kilong (2.2 lbs.) gintong natagpuan sa puwitan ng isang lalaki sa paliparan sa Colombo. Agence France Presse

Nahuli ang isang lalaking nagtangkang magpuslit ng gintong itinago sa kaniyang puwitan nitong nakaraang Linggo.

Nasa Colombo airport ang 45-anyos na lalaking Sri Lankan nang mapansin ng mga awtoridad na tila balisa ang suspek habang nasa departure lounge ng paliparan.

Inaresto ng Sri Lanka Customs ang lalaki at doon na nalaman na may nakatagong halos isang kilong ginto sa kaniyang puwitan.

Ang ilang pirasong ginto ay inilagay sa maliliit na plastic bag, na silang ipinasok sa puwitan ng lalaki.

Tinatayang nagkakahalaga ng 4.5 million rupees ang ginto, na katumbas ng halos P1.5 milyon.

Pinalaya rin ang suspek matapos magbayad ng 100,000 rupees o halos P33,000, ayon sa Sri Lanka Customs Office.

Papuntang India dapat ang lalaki.

Ayon sa Customs, nauuso na umano sa Sri Lanka ang ganitong modus sa pagpupuslit ng kontrabando. --mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.