Ilang Japanese, nahuhumaling sa ‘high-tech’ na pakikipagtalik

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2017 02:25 PM

Ipinasilip ng isang Japanese kung paano siya nakikipag-date sa kaniyang "virtual girlfriend." Kim Kyung-Hoon, Reuters

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Patok ngayon sa Japan ang isang virtual reality (VR) game tampok ang isang anime character na puwedeng “makipagtalik”.

Ayon sa software company na naglabas ng VR game na “Let’s Play with Nanai”, tinatayang 6,000 na ang players nitong game mula nang ilunsad ito 10 buwan na ang nakalilipas.

May mga bumili pa nga raw ng high-tech na VR headsets para lang mas masabayan ang larong nagkakahalaga ng 3,000 Yen o katumbas ng mahigit P1,300.

Ayon sa isang lalaking Japanese na nahihilig sa VR game na ito, hindi bababa sa isang oras kada araw ang ginugugol niya kasama ang kaniyang VR girlfriend.

Bukod sa virtual na pakikipagniig, may iba pa raw ginagawa para sa kaniya ang kaniyang VR nobya. Puwede rin kasi siyang sayawan at kantahan ng anime girlfriend.

Sabi pa ng Hapon, hindi siya interesadong magka-girlfriend sa tunay na buhay ngayon at mas looking forward siya na ma-upgrade pa ang kalidad ng kaniyang VR girlfriend.

Ayon sa pinuno ng isang adult game software company sa Japan, patok doon ang virtual pakikipagtalik dahil na rin sa malaking populasyon ng tinaguriang “otaku” o geeks na fans ng anime, manga comics, at video games.

Mayroon pa ngang isang kompanya ngayon na balak maglabas ng VR pelikula kung saan tila mararanasan din ng viewers ang napapanood sa screen tulad ng kissing scenes.

Naniniwala naman ang isang propesor sa Yokohama National University na dumarami ang nahihilig sa VR girlfriends dahil na rin sa may mga otaku na sadyang nahihiyang manuyo ng babae sa tunay na buhay.

Sana lang daw, hindi malimitahan ng VR ang social skills na kinakailangan sa buhay maski ng mga otaku.

-- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.