Baggage handler sa Singapore airport, bistado sa pagpapalit ng tags

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 10:43 PM

Nalihis ng destinasyon ang ilang bagaheng pa-Maynila dahil sa ginawa ng isang baggage handler sa Changi Airport sa Singapore. Reuters

Bistado ang isang lalaki sa ginagawa niyang pagpapalit ng bag tags sa Changi Airport sa Singapore.

Kinasuhan na ang 63 anyos na si Tay Boon Keh, isang baggage handler sa airport, matapos malamang pinagpapalit-palit niya ang tags sa mga bagahe kaya napupunta sa maling destinasyon ang mga gamit ng ilang pasahero.

Base sa mga dokumento ng korte, apektado ng ginawang pagpapalit ng bag tags ang mga bagaheng dapat sana'y patungong Pilipinas, Australia, Amerika, Germany, at United Kingdom.

Nahaharap sa 286 counts of mischief ang akusadong maghahain daw ng "guilty plea," ayon sa isang pahayagan sa Singapore.

Hindi nagpaliwanag ang lalaki sa motibo ng kaniyang ginawa.

Sinasabing nangyari ang pagpapalit ng bag tag mula noong Nobyembre 2016 hanggang nitong Pebrero.

Sa kabila ng insidente, tiniyak pa rin ng tagapagsalita ng Changi Airport ang seguridad sa kanilang paliparan.

Kinilalang "best airport" ang Changi Airport nitong 2017.

Ito rin ang ikaanim na pinaka-busy na airport sa buong mundo.

Tinatayang 70,000 bagahe ang dumadaan sa Changi Airport kada araw.

-- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.