Bride at groom, nakatulog sa kasal

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 05:44 PM

Ika nga nila, "you are the man/woman of my dreams." Photo by Kim Hong-Ji, Reuters

Nakatulog ang isang bride at groom sa gitna ng seremonya ng kanilang kasal sa South Korea nitong Setyembre 7.

Sa mga retrato, bahagyang napasandal pa ang bride at groom sa kani-kanilang kapareha habang idinaraos ang kanilang pag-iisang dibdib.

Bahagi sila ng tinatayang 4,000 magsing-irog na sinelyuhan ang kanilang pag-iibigan sa isang kasalang bayan na isinagawa ng Unification Church ng South Korea.

Nagmula pa sa iba't ibang bansa ang mga ikinasal.

Mayroon din lalaking nagmula sa Pilipinas at pinakasalan ang kaniyang nobyang nakilala rin sa pamamagitan ng Unification Church.

Ayon sa nabanggit na simbahan, mayroon pang 20,000 magkasintahan na nakiisa sa kasalang bayan sa pamamagitan ng pagsubaybay ng seremonya sa internet.

Nasa 30,000 din ang dumalo para tunghayan ang kasalang bayan.

Dating nabalot ng kontrobersiya ang founder nitong Unification Church na nakulong sa Amerika dahil sa tax evasion o hindi pagbabayad ng buwis.

May ilan ding kumuwestiyon noon sa naturang grupo dahil sa kanilang pamamalakad at paggastos ng pondo.

-- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.