Motorcycle riders bawal mag-helmet sa Dasma

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 06:26 PM

MANILA - Ipinagbawal simula Biyernes ng pamahalaang lokal ng Dasmariñas, Cavite ang pagsusuot ng helmet ng mga motorcycle riders sa lungsod sa harap ng magkakasunod na pamamaslang na kagagawan ng mga naka-motorsiklong gunman. 

Alinsunod sa Resolution 153 ng Sangguniang Panlalawigan, bawal na ang pagsusuot ng helmet, bonnet, ski mask at iba pang uri na kasuotang magtatakip sa mukha ng mga nagmamaneho at naka-angkas sa motorsiklo. 

Nagtakda rin ang kautusan ng speed limit na 20 hanggang 40 kilometro kada oras at ipinagbawal ang mga sira at hindi mabasang plate numbers.

Saklaw ng kautusan ang lahat ng lansangan sa Dasmariñas maliban na lang sa Aguinaldo Highway, Governor's Drive, at Paliparan-Salawag-Molino Road. 
 
Sa panayam ng Radyo Patrol, sinabi ni Dasmariñas Mayor Elpidio Barzaga na batay ang resolusyon sa rekomendasyon ng Liga ng mga Barangay, Peace and Order Council at ng pulisya para masawata ang insidente ng krimen na kinasasangkutan ng "riding-in-tandem."

Ani Barzaga, ilan na ang namatay at nasaktan sa mga naturang insidente at karamihan sa mga biktima ay nakatambay lamang. -- Ulat ni Alex Calda, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.