Buntis at 6 iba pang bilanggo sa South Cotabato, 'sinaniban'

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 03:28 PM

Nabulabog ang South Cotabato provincial jail nang sapian umano ng masamang espiritu ang 7 babaeng bilanggo kabilang na ang isang walong buwang buntis.

Bigla na lang umanong nagwawala at nagsisigaw ang mga ito kasabay ng panlilisik ng mga mata at pag-iiba ng boses.
 
May mga pagkakataong kumakalma na ang mga umano'y sinanibang inmate pero biglang magsisisigaw nang sabay-sabay.

Kuwento ni alyas 'Bai', isa sa mga bilanggo, hindi pa sila nakatutulog simula nang isa-isa umanong saniban ang kanyang mga kasamahan.

"Sinisigaw n'ya [umano'y sinapiang inmate] na 'lumayas kayo'. Tapos 'yong anak daw nila, sinaktan daw namin. Sinisigaw n'ya na gusto n'yang gumanti tapos uubusin n'ya daw kami. May kukunin daw sila. Nakakabigla lahat ng pangyayari. Ngayon lang kasi ito nangyari. Sobrang nakakatakot na," kuwento nito.
 
Isinisisi ng ilang inmates sa ginagawang gusali para sa dagdag na selda sa compound ng provincial jail ang pangyayari dahil posible umanong nagambala ang mga naninirahang espiritu doon.

Ayon naman sa warden ng kulungan na si Juan Lanzaderas, Jr., noong Biyernes pa paisa-isang 'sinasaniban' ang ilang inmate nila kaya minabuti ng ilang taga-Simbahan na mag-alay ng dasal.

Ayon sa taga-Simbahan, posibleng naging mahina umano ang pananampalataya ng ilang babaeng inmate kaya ito nangyari dahil sinasamantala umano ng masasamang espiritu ang ganitong kahinaan.

Pero para sa ilan, maaaring epekto ng depresyon ang nangyari sa mga inmate.
 
Umaapela ngayon ng taimtim na panalangin ang mga inmate para makapamuhay na sila nang tahimik sa loob ng reformatory center.

Nagpaalala naman ang mga religious group na minsan sa pagiging abala sa maraming bagay, nakakaligtaan na ang magbalik-loob sa Panginoong Diyos.

--Ulat ni Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.