Ice cream, beer para sa mga aso, tampok sa beach bar sa Croatia

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 07:27 PM

Preparasyon para sa eating competition sa Crikvenica, Croatia, August 20 2017. Davor Kovacevic, Reuters

Tampok sa menu ng natatanging beach bar para sa mga aso sa Croatia ang specially brewed beer na gawa sa manok at gulay. May ice cream din na gawa sa saging, mani, yoghurt, at soy milk.

Bukod sa beer, maaari ring kumuha ng sun bed ang aso at ang kanilang may-ari. Puwede rin silang mag-dive sa asul na Adriatic water.

Nitong Linggo lang din, nag-organisa ang Monty's Dog Beach Bar ng isang kompetisyon kung saan teammates ang aso at kanilang may-ari.

Nakiisa sa nasabing kompetisyon ang 15 pares ng may-ari at kanilang aso. Tumakbo sila sa pier, tumalon sa tubig, at lumangoy ng nasa 100 metro patungong pampang.

Tinanghal na pinakamabilis ang aso na si Nimbus, isang mixed breed Samoyed na apat na taong gulang. 

Natapos niya at ng kanyang may-ari ang pagsubok sa loob lamang ng ilang minuto, at nag-uwi sila ng pitong kilong bag na dog food at weekend stay sa isang local hotel.

"We did not prepare. We swim a little bit in the summer. He's a natural swimmer, when I jump in the water he comes with me and follows me, and this why we won," kuwento ni Marin, amo ng asong si Nimbus.

Samantala, may ilang aso rin na sumali sa isa pang kompetisyon kung saan kumain sila ng espesyal na ice cream, cakes, at beer.

Nagbukas noong nakaraang taon ang Monty's Dog Beach bar sa Crikvenica sa Croatia.

-- Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.