Lalaking yamot sa traffic, lumangoy papuntang office

REUTERS

Posted at Aug 11 2017 06:45 PM

Nadaraanan ni David ang Deutches Museum tuwing lalangoy siya papasok sa trabaho sa Isar River sa Munich, Germany. Retrato ni Andreas Gebert, Reuters

Yamot na sa araw-araw na trapikong nararanasan papasok ng trabaho si Benjamin David, kaya naman naisipan niyang lumangoy na lamang imbes na bumiyahe pa sa masisikip na kalsada ng Munich, Germany.

Tuwing umaga, inilalagay ni David sa isang waterproof na bag ang kanyang mga damit at laptop, isinusuot ang kanyang damit-panlangoy, saka siya sasabay sa agos ng River Isar papasok sa trabaho.

Presko na, ito pa ang pinakamabilis na paraan upang makaabot sa trabaho, ayon kay David sa kanyang panayam sa Reuters Television.

Kapag malakas ang agos ng tubig sa ilog, inaabot lamang siya ng 12 minuto para makarating sa beer garden na pinagtatrabahuhan niya. Mas mabilis aniya ito kumpara kung nakabisikleta, sasakyan o kung naglalakad siya. 

Subalit, kapag winter season na, lumalamig ang tubig at bumababa ang temperatura nito na naglalaro sa 4 degrees. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.