5 estudyante, 'sinaniban', pinagmumura ang mga kamag-aral sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 01:33 PM

Sinaniban umano ng masamang espiritu ang 5 mag-aaral ng University of Visayas-Pardo Campus sa Cebu City noong Huwebes ng hapon.

Ala-una ng hapon sa silid-aklatan, bigla na lamang umanong nagsisisigaw ang tatlong babae at dalawang lalaki ng 'pahawa' o ang Cebuanong salita para sa 'umalis ka' o 'lumayas ka', saka nila pinagmumumura ang iba pang mga estudyante sa paligid, ayon sa kanilang mga kamag-aral.

Sumugod naman agad ang mga magulang upang alamin ang lagay ng kanilang mga anak. 

Dinala naman din ang mga 'sinanibang' estudyante sa Mary's Little Christian Community, kung saan dinasalan sila roon ni Monsignor Frederick Kriekenbeek, ang Archdiocese priest ng Cebu.

Tumanggi naman sa panayam ang principal ng nasabing eskuwelahan.

Hindi rin humarap sa media ang mga guro, ngunit siniguro nila sa mga reporter na kalmado na at hindi na bayolente ang mga estudyante. 

-- Ulat ni Edgar Escalante, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.