Babae, hinimok ang nobyong magpakamatay, kulong

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 06:15 PM

Nasentensiyahan ng dalawa't kalahating taon sa kulungan noong Huwebes sa Amerika ang isang babae matapos nitong udyukan ang nobyo na magpakamatay noong 2014. Nakumbinsi ito ng babae sa pamamagitan ng serye ng mga text at tawag.

Sa dose-dosenang palitan ng text messages ng 18 anyos na si Conrad Roy at ng 20 anyos na nobyang si Michelle Carter, napag-usapan ng dalawa ang pagkalugmok ng lalaki, at ang pagbabalak nitong magpakamatay. Hinimok naman ni Carter ang lalaki na ituloy ang balak nito, at suportado umano niya ito.

Sa serye ng mga text na ito, sabay rin nilang pinlano ang proseso ng gagawing pagpapakamatay ni Roy. 

Hulyo 2014 nang ipinarada ni Roy ang kanyang trak sa tapat ng isang tindahan sa Fairhaven, Massachusetts. Binuksan niya ang generator na may lasong carbon monoxide, saka hinintay na mapuno ng lason ang loob ng sasakyan habang naroon siya sa loob. 

Nang hindi na ito kinaya ni Roy, naisipan niyang lumabas, subalit matapos gawin ito, tumawag si Carter sa telepono upang sabihan ang nobyo na bumalik sa loob. 

Nahatulang guilty sa 'involuntary manslaughter' si Carter noong Hunyo nitong taon dahil sa pagkakaudyok nito kay Roy na magpakamatay sa paradahan. 

Ito ang unang beses na mayroong nahatulan ng pagpatay sa pamamagitan ng mga salita. Ibinaba ang desisyon ni Bristol County Juvenile Court Judge Lawrence Moniz. 

Ginawa ang hatol dahil nanggaling mismo kay Carter ang utos kay Roy na bumalik sa sasakyan kahit na lumabas na ito. Hindi rin agad inalarma ni Carter ang mga awtoridad sa binabalak ni Roy na magpakamatay. 

Ayon sa mga prosecutor, napakinggan pa ni Carter ang kanyang nobyong mamatay sa trak. 

Naging tampulan ng pagdinig ang peligro ng cyberbullying. 

Sinabi naman ng kampo ni Carter na nakararanas siya ng depresyon noong nangyari ang insidente, at umiinom siya ng gamot pangontra sa sakit na iyon noon. Disisiyete anyos ang nahatulan noong panahong iyon, at hindi rin raw nakakakain nang maayos. 

Ayon sa huwes, hindi naman niya nakitahan ng anumang pagkakaugnay o epekto ang kanyang edad, level of maturity, o pag-iisip sa kanyang mga nagawang aksiyon.

Makukulong muna si Carter ng 15 buwan. Isususpinde muna ang natitira pang magiging panahon sa kulungan hanggang Agosto 1, 2022. Magiging pending muli ang sentensiya, at maaari pang iapela. 

-- Ulat mula sa Agence France Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.