Matapos mag-'I do': Bride, tinutukan ng baril ang asawa

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 01:23 PM

Kate Elizabeth Prichard, 25, mula sa Kenton Tennessee. Rutherford County Sheriff's Office/Handout/Reuters

Hindi na tumagal pa ang 'honeymoon' ng bagong kasal matapos maglabas ng baril ang Tennessee bride mula sa kanyang wedding dress at itutok ito sa kanyang groom.

Ilang oras matapos magsabi ng "I do", naglabas ng 9 mm pistol si Kate Elizabeth Prichard, 25 anyos. Itinutok niya ang baril sa ulo ng kanyang groom at hinila ang gatilyo, ayon sa mga dokumento sa korte at mga media report.

Pero hindi ito naiputok ng Tennessee bride.

Haharap si Prichard ng kasong 'aggravated domestic assault'. Hindi naman nasaktan ang kanyang groom na si James Burton.

Sa pahayag ni Sergeant Kyle Evans ng Murfreesboro Police Department sa WTVF-TV, sinabihan ng mga rumespondeng opisyal ang groom na tapos na ang 'honeymoon' at dadalhin na nila ang kanyang bagong asawa sa kulungan.

Suot pa ng bride ang kanyang wedding dress nang maaresto, ani Evans.

Hindi rin nalaman kung batid ni Prichard na walang bala ang baril nang una niyang hinila ang gatilyo.

Dumating ang pulisya sa lugar ng pinangyarihan matapos tawagan ang Murfreesboro police na may babaeng pinagbantaang barilin ang kanyang asawa dahil tinulak siya sa pader. 

Base sa mga rekord ng awtoridad, hindi naman nakipagtulungan ang bagong kasal at tinanggi ang mga alegasyon.

Hindi na rin nagbigay ng komento si Evans sa Reuters. Parehong hindi na mahagilap ang dalawa para sa kanilang pahayag.

Nagbayad na rin si Prichard ng $15,000 bond, ayon sa Rutherford County Jail.

--Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.