Semilya ng patay na pulis, nakabuntis

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 04:07 PM

Dalawa't kalahating taon na mula nang mamatay ang pulis-New York na si WenJian Liu, ngunit ngayong linggo lamang ipinanganak ng kanyang biyuda ang kanyang anak na babae. 

Isinilang noong Martes ang babaeng sanggol na si Angelina sa Weill Cornell Hospital. 

Ayon sa biyuda at ina ni Angelina na si Sanny Liu, ipinapreserba niya sa mga doktor ang semilya ng yumaong asawa noong gabi ng pagkamatay nito upang isang araw, matupad ang pangarap nilang magkaroon ng anak. 

December 2014 nang pagbabarilin si Wenjian Liu, 32, at kasamahang si Rafael Ramos, 40, sa kanilang sasakyan sa Brooklyn. 

Kinagabihan ng kanyang pagkamatay, napanaginipan umano ni Sanny na iniabot ni WenJian sa kanya ang isang sanggol na babae, kuwento ng mga pulis. 

Gamit ang ipinapreserbang semilya, nabuntis si Sanny sa pamamagitan ng prosesong 'in vitro fertilization' o ang mano-manong paghahalo ng itlog ng babae at semilya ng lalaki sa isang lalagyang panglaboratoryo bago ito ilagay sa sinapupunan ng babae. 

Bago pa man ipanganak si Angelina at bago makita ang resulta ng ultrasound, alam na raw ni Sanny na magiging babae ang kanyang anak, pahayag niya.

Samantala, matapos ipanganak si Angelina, malugod namang sinalubong ang sanggol ng kanyang lolo't lola na magulang ni Wenjian.

Noong araw ng libing ni WenJian, libo-libong pulis ang nakiramay, habang ibinahagi naman ni Sanny sa mga dumalo na nawala na sa kanya ang kanyang 'soul mate' at isang kahanga-hangang asawa. 

Ilang buwan pa lamang silang kasal ng asawa nang mamatay ito sa pamamaril. -- Ulat mula sa Agence France-Press

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.