Nakawalang unggoy, gumagala sa barangay sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 05:35 PM | Updated as of Jul 27 2017 10:27 AM

Nakuhanan ng Bayan Patroller na si Mark Angelo Murillo ang unggoy na gumagala sa San Simon St., Barangay Dalandanan, Valenzuela City.

Kasalukuyang gumagala ang isang unggoy sa San Simon St., Barangay Dalandanan, Valenzuela City.

Sa mga larawang kuha ni Bayan Patroller Mark Angelo Murillo, makikita ang unggoy na pumupunta mismo sa bahay nila. 

Nahuli rin sa video na sinasaktan ng unggoy ang mga alagang aso ng Bayan Patroller.

Ayon pa kay Murillo, madalas itong tumutulay sa mga kable ng kuryente at pumupunta sa mga puno para manguha ng mga prutas. Nang-aamba rin aniya ito ng mga dumadaang tao.

Kinumpirma naman ni Basil Sison, city veterinarian ng Valenzuela, na may gumagala ngang unggoy sa barangay. 

Ayon kay Sison, isa itong Philippine monkey at maaaring nakatakas ito mula sa nag-aalagang residente sa lugar. 

Dalawang taon na aniya itong nakatakas at ngayon na lamang muling nagpapakita sa mga residente.

Nagpalagay na ng dalawang trap ang city pound sa ilang bahay sa lugar at nagpalagay na rin ng isa pang mas malaking hawla na may laman na ring isang unggoy para maakit ang nakawalang hayop. 

Pansamantala lamang anila ang mga hakbang na ito sa paghuli sa unggoy dahil hinihintay ang tranquilizer gun na iniangkat pa mula sa Amerika.

Payo naman ni Sison sa mga residente na nakakakita sa unggoy, huwag matakot dito at maging kalmado. 

Huwag din aniya takutin palayo ang unggoy dahil mas matatakot ito at magpapakita ng tapang. 

Dagdag pa niya, isara ang bintana ng mga bahay kung sakaling muling magpakita ang unggoy. 

Nagpaalala rin si Sison na kapag nakagat ng unggoy, dapat pumunta agad sa doktor o sa isang animal bite treatment center para malapatan ng lunas laban sa rabies.

Ayon naman kay Grace Ulatan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasa threatened list na ang mga Philippine monkey. 

Maaari naman aniyang mag-alaga ng mga ganitong uri ng unggoy, maging ng iba pang mga hayop na nasa endangered o threatened list, basta mayroong permit mula sa DENR.

Inaabisuhan naman nila ang publiko na kung makakita ng mga ligaw na hayop na nasa endangered o threatened list ay maaari nila itong i-turn over sa tanggapan ng Biodiversity Management Bureau ng DENR.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.