Halos P9-M, natuklasang dala ng isang pasahero sa Zamboanga

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 12:13 AM | Updated as of Jul 25 2017 02:24 AM

 

Nasamsam ng Philippine Ports Authority sa Zamboanga City, ang malaking halaga ng pera na aabot halos sa P9 milyong piso na dala ng isang biyahero na bibiyahe sana papuntang Malaysia.

Ayon sa Philippine Coastguard, Lunes ng hapon sana tutulak ang biyahero na nakilalang si Isnajil Sajail sakay sa isang commercial vessel papuntang Malaysia nang madiskubre ng operators ng x-ray machine na may kakaibang laman sa karton na kanyang dala.

Nang usisain, inamin ni Sajail na pera ang laman ng kanyang dala dalang karton.

Agad ini-report sa Philippine Coastguard ang insidente. Dinala si Sajail sa Bureau of Customs para imbestigahan at bilangin ang pera.

Ayon kay Sajail ang pera ay puhunan niya sa kanyang negosyo na buy and sell sa Malaysia. 

Pero ayon sa Bureau of Customs, nilabag ni Sajail ang Circular 922 series of 2016 ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nagbabawal sa isang pasahero ng barko o eroplano na magdala palabas ng Pilipinas ng higit sa P50,000.

Sa ngayon ay nasa kustodiya pa rin ng BOC ang pera habang hinihintay ang magiging desisyon ng BSP sa pera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.